Advertisers
Dinagsa ng mga job seekers ang ikinasang kauna-unahang Mega Job Fair ngayong taon ng Public Employment Service Office (PESO) Manila.
Nasa 30 local at 5 overseas employers ang nakilahok sa job fair na handang magbigay ng oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho domestic man o international.
Ikinasa ito sa 5th Floor, West Wing ng SM City Manila kung saan nagsimula ito ng alas-10:00 ng umaga at magtatagal hanggang alas-3:00 ng hapon.
Bukod sa mga inaalok na trabaho, may job orientation rin na isinasagawa ang PESO Manila upang malaman ng mga naghahanap ng trabaho ang mga dapat at hindi nila dapat gawin upang sila ay matanggap sa kumpaniya.
Mayroon din One Stop Shop na inilagay dito tulad ng SSS, TESDA para sa mga nais sumailalim sa training at Department of Migrant Workers para naman sa mga may katanungan sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakibahagi rin sa Mega Job Fair ng PESO Manila kung saan naghahanap sila ng sasasailalim sa Officer Candidate Course at Candidate Soldier Course. (Jocelyn Domeden)

