Advertisers

Advertisers

71 buhay sinagip ng ‘Kaagapay Program’ ni Isko at overstaying containers, pinaaalis na sa pantalan

0 268

Advertisers

Nanawagan ang Bureau of Customs (BOC) sa mga shipping line na agad alisin ang mga bakanteng container na lampas na sa itinakdang pananatili sa mga pantalan at mahigpit na ipatupad ang 90-day dwell rule.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mabawasan ang pagsisikip sa mga daungan, pormal na sumulat ang BOC sa Association of International Shipping Lines, Inc. (AISL) upang makipag-ugnayan sa kanilang mga miyembro hinggil sa mga empty container na nananatili sa pantalan nang higit sa pinapayagang 90 araw.

Sa liham ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno kay AISL Director-President Patrick G. Ronas, iginiit ang mahigpit na pagpapatupad ng 90-day container dwell time rule alinsunod sa Customs Administrative Order (CAO) No. 8-2019 o ang “Policies on Admission, Movement, and Re-Exportation of Containers at the Seaports.”

Batay sa tala ng BOC, may ilang bakanteng container na nananatili pa rin sa loob ng mga pantalan lampas sa itinakdang panahon. Inaatasan ang mga kinauukulang shipping line na agad magsumite ng kinakailangang goods declaration at/o bayaran ang kaukulang buwis, duties, at iba pang singilin. Ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa kaukulang aksyon alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon ng adwana.

Hiniling din ng BOC sa AISL na tulungan silang ipaalam at makipag-ugnayan sa kanilang mga miyembro upang matiyak ang agarang paggalaw at disposisyon ng mga overstaying container.

Inaasahang ang pag-alis ng mga container na ito ay magpapalaya ng mahalagang espasyo sa terminal at makatutulong upang maibsan ang pagsisikip sa Manila South Harbor at Manila International Container Terminal (MICT).

Nilinaw ng BOC na maaaring balewalain ang abiso ng mga shipping line na nakasunod na sa mga kinakailangan tulad ng pagsusumite ng goods declaration, pagbabayad ng kaukulang singil, o muling pagluwas (re-export) ng mga container.

Muling tiniyak ng BOC ang kanilang pakikipagtulungan sa mga stakeholder ng industriya upang mapabuti ang operasyon sa mga pantalan at mapalakas ang kalakalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang trade facilitation at global competitiveness ng bansa.
***
Pinondohan ng mga nagbabayad ng buwis sa Maynila ang 71 life-saving surgeries sa ilalim ng “KAAGAPAY Program,” ayon kay Isko Moreno

Higit pa sa modernong imprastruktura at de-kalidad na serbisyong medikal, ang mga nagbabayad ng buwis sa kabisera ang siyang sumasalo sa gastusin ng mga operasyong nagliligtas-buhay.

“Gusto ko lang ipaalam sa inyo na ang panalangin ninyo ay tinutugunan ng City Government at ng taxpayers ng Maynila,” madalas sabihin ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mga pamilya tuwing kanyang regular na “Talk to the Patients.”

Bilang bahagi ng kanyang pagtutok sa mga kasong kritikal, nakapagpalabas na ang Pamahalaang Lungsod, hanggang Biyernes, Pebrero 20, ng kabuuang P64,226,374.85 para sa 71 malulubhang kaso sa ilalim ng KAAGAPAY program.

Sa P64.2 milyon na nailabas, P38,419,378.25 ang inilaan para sa 24 batang may biliary atresia na nakatakdang sumailalim sa liver transplant sa APOLLO/MAX Hospital sa India.

Ayon kay Domagoso, idinaan sa wire transfer ang bayad upang matiyak na direkta itong maipadala sa ospital na magsasagawa ng gamutan.

Samantala, P13,205,861.76 ang inilaan para sa heart surgeries ng 22 pasyenteng may congenital heart disease sa Philippine Heart Center, habang P2,273,270.54 naman ang ibinigay para sa isang pasyenteng may bilateral profound hearing loss na sumailalim sa cochlear implant at therapy sa Chinese General Hospital.

May karagdagang P10,327,864.30 ring inilabas para sa 24 iba’t-ibang kaso ng medical assistance na pinangasiwaan ng mga institusyong kabilang ang Philippine General Hospital, De Los Santos Medical Center, Lung Center of the Philippines, Manila Doctors Hospital, Philippine Children’s Medical Center, University of Santo Tomas Hospital, Makati Medical Center, Mary Johnston Hospital, Medical Center Manila, St. Luke’s Medical Center, at UERM Memorial Medical Center.

Noong Pebrero 20, personal na nakipag-usap si Domagoso sa 13 batang pasyente na naghahanda para sa walong liver transplant sa India, apat na heart operation sa Philippine Heart Center, at isang kidney procedure sa Chinese General Hospital.

Para sa batch na ito, naglaan ang lungsod ng P13,321,629.80 para sa liver transplants, P3,323,311.50 para sa heart surgeries, at P173,616.19 para sa kidney case, kabuuang P16,818,557.49.

Sa kanyang pakikipagdayalogo sa mga benepisyaryo, binigyang diin ni Domagoso ang kahalagahan ng tiwala ng publiko upang maipagpatuloy ang tulong.

“We will do our best. Maraming salamat sa taxpayer. Sa tiwala nila, nakakaluwag-luwag tayo dun sa mga nangangailangan,” wika ni Isko.

Pinaalalahanan din niya ang mga pamilya na maaaring kitain muli ang pera, nguni’t hindi na maibabalik ang buhay.

“Yung pera mawawala, kikitain ulit. Pero yung buhay pag nawala… huwag naman sana,” dagdag ni Domagoso.

Bukod sa pagpapagamot ng mga pasyente sa ibang bansa, pinatitibay rin ni Domagoso ang kakayahan ng bansa sa larangan ng transplant procedures. Noong Nobyembre, binisita niya ang UP Philippine General Hospital kasunod ng unang matagumpay na pediatric liver transplant na isinagawa sa isang pampublikong ospital, isang operasyong sinuportahan ng mahigit P30 milyon na kanyang naitulong ipunin para sa life-saving pediatric surgeries.

Layunin umano nitong mabawasan ang pangangailangang magpadala ng mga pasyente sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na kakayahan at pag-upgrade ng mga pampublikong ospital upang maisagawa sa Pilipinas ang mas komplikadong mga operasyon.

“Kapag nagpatuloy ang tagumpay ng mga unang operasyon dito sa Maynila, hindi na natin kailangang pumunta sa India. Dito na natin magagawa ang liver transplant,” ani Domagoso.

Para sa alkalde, ang direktang tulong-pinansyal at pagpapalakas ng mga institusyon ay iisang hakbang para sa agarang pagtugon sa mga kasong mataas ang panganib habang unti-unting pinauunlad ang kakayahan ng mga pampublikong ospital na magsagawa ng mas kumplikadong gamutan sa loob ng bansa.

Sa ganitong balangkas, ang pondo mula sa mga nagbabayad ng buwis, hindi lamang isang beses na subsidiya, kundi isang pamumuhunan upang makapagsalba ng buhay ngayon at makapagligtas pa ng mas marami sa hinaharap.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.