Advertisers

Advertisers

PEOPLE POWER 40 NA! ME NAGBAGO BA?

0 50

Advertisers

GALIT sa korup! Sumisigaw na tigilan na ang paninikil. Nagsama-sama sa EDSA para sa pagbabago, taong 1986 at binansagang “People Power.”

People power, dahil nga nagsama-sama. Walang bayaran. Lahat ay kusang nakiisa dala-dala ay hangarin at pag-asa na magbabago din ang kalagayan ng bansang niruyakan at ninakawan.

Nagtagumpay ba? Para sa akin, umikot lang. Nagpalit ng liderato na dala-dala din ay kasakiman. Kapangyarihan, kasikatan at kayamanan. Yan lang ang tanging dahilan.

Hindi ba, kahit sa ating munting kalagayan sa buhay, di ba sinasamantala rin natin ang mas maliit sa atin. Hinahamak ang batas na tila wala nang sumusunod.

Halimbawa na lamang, sa kalsada, di ba noon ay may kaunting paggalang pa ang lahat. Ngayon, wala na. Lalo kapag magara ang sasakyan. Tila, dapat, mas may karapatan sila sa lansangan kaysa sa mga luma ang sasakyan.

Tayong mga commuters o’ mananakay, ganun, din. Di na pumapara, sa tamang babaan at sakayan. Tatawid kung kelan gusto. Magkakalat at magtatapon ng kung anu-ano sa daan.

Yan mga simpleng bagay na yan, ay kasama nating inasam, noong naki-isa tayo sa People Power. Pero ano nangyari? May nagbago ba?

Parang wala. Kasi binalewala natin ang tagumpay na apat na dekada na nating nakamtan. Kaso nahirati tayo. Hinayaan ang mga pumalit na lider na bilhin tayo.

Pagdating sa halalan, binebenta natin ang ating mga boto. At dinadaan ang lahat sa palakasan. Makaisa lang.

Siguro, hindi mga lider ang dapat nating palitan. Kung di ang ating pag-uugali. Nasa ating pagkatao.

Kung pipiliin lang siguro nating lahat na maging mabuting tao, malamang sa apat na dekada matapos ang People Power, pagkaganda ganda na, ang buhay ng lahat ng Filipino.