Advertisers

Advertisers

Maris Racal, Catriona Gray at Yeng Constantino, Nakisaya sa Ilocos Sur Festival 2026; KyleKai, Ramdam ang Matinding Chemistry!

0 84

Advertisers

Ni Anne Venancio

Mas lalong naging makulay at masigla ang Ilocos Sur Festival 2026 matapos makisaya at maghandog ng mga awitin ang ilang kilalang personalidad na sina Maris Racal, Catriona Gray, Yeng Constantino, Arthur Nery, Adie, at Flow G sa 12-araw na selebrasyon na tinawag na “One Ilocos Sur.”

Dinagsa ng libo-libong manonood ang iba’t ibang aktibidad kabilang ang grand parade at opening program sa Quirino Stadium, kung saan tampok ang tambalan nina Kyle Echarri at Kai Montinola. Ramdam ng mga dumalo ang lakas ng chemistry ng dalawa kaya panay ang hiyawan at palakpakan sa buong stadium.

Tinatayang nasa 40,000 katao ang dumalo sa grand parade at grand opening, tampok ang malalaking floats mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan. Umabot naman sa milyon-milyong online views ang mga kaganapan, patunay ng malawak na suporta at partisipasyon ng publiko.

Sa temang “The People’s Celebration,” ipinamalas ng pista ang pagkakaisa, kultura, pananampalataya, at kasiyahan ng mga Ilokano. Binuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng trade at food fair na nagbigay-pugay sa mga lokal na negosyante at micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Sinundan ito ng Eucharistic celebration at Los Patrones procession na pinangunahan ni Bishop David William V. Antonio.

Binigyang-diin din ang sektor ng agrikultura sa pagdiriwang ng Agri Day, kung saan pinarangalan ang mga magsasaka at mangingisda bilang haligi ng ekonomiya ng lalawigan. Isinagawa rin ang “An Evening with the Balikbayans” sa Chavit Coliseum bilang pagkilala sa mga Ilokanong nasa ibayong-dagat.

Kabilang sa iba pang tampok na aktibidad ang Tinnatoan Tattoo Expo na nagbigay-pugay sa tradisyunal na batok ng mga inapo ni Apo Whang-od, cosplay at esports competitions na hinusgahan ni Myrtle Sarrosa, at mga paligsahan tulad ng street dance showdown, Mister at Miss Ilocos Sur, at Pride Queen.

Pinangunahan ni Gray ang coronation night ng Miss Ilocos Sur 2026, habang nagtanghal din sina Racal at Paul Salas. Mas lalong naging makulay sa mga pakulo sa Gen Z-arzuela, motocross, bangkarera, at Battle of the Bands.

Hindi rin nakaligtaan ang serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng One Ilocos Sur Health Caravan at ang pagkilala sa mga natatanging mamamayan sa Pammadayaw: Father Jose Burgos Award. Nagkaroon din ng tribute para sa mga nakatatanda bilang pagpupugay sa kanilang ambag sa kasaysayan at kultura ng lalawigan.

Tinapos ang pagdiriwang sa isang Thanksgiving Mass at sa One Ilocos Sur Night concert na muling nagtampok kina Nery, Constantino at iba pang artista, kasabay ng engrandeng fireworks display.

Pinatunayan lang ng Ilocos Sur Festival 2026 na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pakikiisa ng mamamayan, nagiging mas matatag at masigla ang buong lalawigan.