Advertisers
Pinuri ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang Sta. Ana Hospital nang magranggo ito bilang ika-25 sa 35 ospital sa Pilipinas na kabilang sa talaan ng World’s Best Hospitals 2026 – Philippines na inilabas ng Newsweek katuwang ang Statista.
Sa ilalim ng pamumuno Mayor Isko, ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang malawakang modernisasyon ng mga district hospital nito, lalo na ang Sta. Ana Hospital, kabilang ang pag-upgrade ng mga pasilidad, pagpapalawak ng mga serbisyo, at pagpapalakas ng kakayahang klinikal para sa mga residente ng Ika-anim na Distrito ng Maynila at mga karatig-komunidad.
Bahagi ang Sta. Ana Hospital ng Manila City Health Cluster na pinamumunuan ni OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, dating direktor ng ospital, at kasalukuyang pinangungunahan ni Dr. Janet Tan.
Isa sa mga pangunahing inobasyon sa ospital, ang pagtatayo ng kumpletong vaccine storage facility na idinisenyo upang matiyak ang maayos na cold-chain system sa panahon ng malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 sa lungsod.
Naglalaman ang pasilidad ng mga Haier HYC-390 refrigeration unit para sa AstraZeneca at Sinovac vaccines, biomedical freezers para sa Janssen at Moderna, at -86°C ultra-low temperature freezers para sa Pfizer vaccines, bukod pa sa mga transport cooler para sa ligtas na distribusyon sa iba’t-ibang vaccination site.
Itinayo at pinaandar din ng lungsod ang Manila Molecular Testing Laboratory sa loob ng hospital complex, na lubos na nagpalawak sa kapasidad ng lokal na COVID-19 testing sa kasagsagan ng pandemya.
Kabilang sa laboratoryo ang RT-PCR molecular facility na kayang magsagawa ng hanggang 1,000 swab test bawat araw kada makina gamit ang dalawang Sansure RT-PCR machine, gayundin ang Xpert Xpress SARS-CoV-2 cartridge-based rapid molecular testing system. Dahil dito, naging tanging district hospital na pinatatakbo ng isang LGU sa bansa ang Sta. Ana Hospital na may dalawang uri ng molecular laboratory.
Bilang bahagi pa ng modernisasyon, itinatag ang Physical Therapy and Rehabilitation Medicine and Robotics Center na may Hybrid Assistive Limb (HAL) units.
Tumutulong ang makabagong robotic rehabilitation technology na ito sa mga pasyenteng may neurological at musculoskeletal na kondisyon upang mapahusay ang kanilang paggalaw at paggaling, na isang malaking hakbang sa pagpapataas ng antas ng serbisyong rehabilitasyon sa district level.
Nagtatag din ang ospital ng dialysis center bilang bahagi ng pagpapalawak ng lungsod sa libreng specialized treatment services.
Mayroon itong 11 dialysis seat, anim na high-end Fresenius hemodialysis machine, karagdagang HD units, dalawang makina na may portable reverse osmosis, HEPA filtration system, negative pressure room para sa mga infectious patient, at mahahalagang emergency equipment gaya ng ECG at defibrillator units.
Sa panahon ng pandemya, nagsilbi rin ang Sta. Ana Hospital bilang lokasyon ng Manila Infectious Disease Control Center na may 33 isolation ward para sa pamamahala ng mga nakahahawang sakit, kasabay ng operasyon ng mga molecular laboratory nito.
Nagbukas din ang Pamahalaang Lungsod ng bagong intensive care unit (ICU) upang palawakin ang kapasidad sa kritikal na pangangalaga para sa mga pasyenteng may COVID-19 at iba pang karamdaman.
Nakamit din ng ospital ang iba’t-bang pagkilala mula sa mga pambansang institusyon. Nakatanggap ito ng 97/100 na marka mula sa Metro Manila Center for Health Development – Health Facility Development and Enhancement Unit ng Department of Health—ang pinakamataas sa mga Level 2 public hospital sa Metro Manila sa isinagawang COVID-19 response assessment.
Nakamit na rin ng Sta. Ana Hospital ang Level III General Hospital accreditation mula sa Department of Health, Provisional I Accreditation para sa Internal Medicine Residency Training Program mula sa Philippine College of Physicians, at napanatili ang Mother+Baby-Friendly Hospital accreditation.
Ayon sa Newsweek, sinuri sa World’s Best Hospitals 2026 ang mahigit 2,500 ospital sa 32 bansa, at binigyan ng marka batay sa rekomendasyon ng mga medical expert, kalidad ng ospital, karanasan ng pasyente, at Patient-Reported Outcome Measures. (BP)