Advertisers
MALIWANAG pa sa sikat ng araw ang pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa uri ng lider na dapat pumalit sa kanya sa 2028—isang “nation builder.”
Hindi naman siguro ito pamumulitika o maagang pangangampanya. Ito ay isang paalala na ang pamumuno ay hindi lamang tungkol sa popularidad kundi sa kakayahan at malinaw na direksiyon para sa bansa.
Binigyang-diin naman ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na ang pagmamahal sa bayan ay mahalaga ngunit hindi sapat.
Kailangan aniya ang talino, competence at kakayahang magpatupad ng konkretong reporma lalo na sa edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan.
Sabi nga ni Castro, ito ang klase ng lider na magtitiyak na hindi masasayang ang mga nasimulang pagbabago ng kasalukuyang administrasyon.
Sa katunayan, ilang beses nang ipinunto ni PBBM, kabilang sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum sa Makati City, na ang susunod na Presidente ay dapat may malalim na pag-unawa sa ekonomiya.
Hindi retorika ang solusyon sa kahirapan at kawalan ng trabaho kundi produktibidad.
Dapat ding may maayos na polisiya at kakayahang kontrolin ang inflation at patatagin ang suplay ng pagkain.
Ang ganitong pamantayan ay nagpapakita ng isang lider na iniisip hindi lamang ang kasalukuyan kundi ang pangmatagalang kapakanan ng bansa.
Ang paghahanap ng “nation builder” ay indikasyon na nais ni Pangulong Marcos na maipagpatuloy ang mga istruktural na repormang magpapalakas sa Pilipinas bilang investment-friendly at globally competitive na ekonomiya.
Higit sa lahat, binibigyang-diin ng Pangulo ang integridad at tunay na serbisyo.
Sa panahon na madalas manaig ang ingay kaysa sa gawa, mahalaga ang panawagang ito: ang susunod na lider ay hindi dapat mapagpanggap kundi may puso at talinong maglingkod.
Kung susundin ang ganitong pamantayan, malinaw na ang nais ng ating Pangulo ay isang pamumunong may direksiyon at lalim—isang lider na hindi lamang magmamana ng posisyon kundi magpapatuloy ng nasimulang nation-building para sa bawat Pilipino.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.