Advertisers
NATAPOS na ang pagdiriwang ng ika-40 taon ng EDSA People Power at ganap na masaya ang mga nagsipagdalo. Nakangiti, larawan ng tagumpay sa paglaya sa mapaniil na diktadura 40 taon ang nakalipas. Sa nasilip na pagtitipon ng masasabing mga bayani, sumagi sa isip na tunay bang nakamtan ang layon ng EDSA People Power, ang naganap na pagbabago sa lipunang ginagalawan. Sa paglaya ng bansa sa diktadura nakamit ba ng bayan ang pagbabagong may pag-unlad sa nakakarami at tuloy ang ligaya sa iilan? O’ higit na kahirapan ng nakararami ang nakamit at ‘di pagbabagong may pag-unlad ang naganap sa EDSA?
Sa totoo lang, ganap na galawang politika ang EDSA People Power nang palitan ang liderato ng bansa na ayaw bumaba sa pwestong tangan. At batid ng bayan na sa COMELEC nanalo ang dating diktador at ‘di sa naganap na halalan noong panahong nabanggit. Sa pag-inog ng panahon, napalitan ang balangkas ng pamamahala sa pagpasok ng bagong liderato ng bansa. Subalit, napasok sa maraming pagsubok, ang kaliwa’t kanang kudeta na higit nagpababa sa kabuhayan ng bansa. Maganda ang layon ng pumalit na pamahalaan subalit ganap na ‘di ibig bumigay ng ilang nagmamarunong at ipinasok ang mga sari-sariling adhikain na nagapi sa panahon ng diktadura. At nang makamit ang adhikain na mabago ang liderato ng bansa, lumabas ang totoong kulay ng ilang nagmamarunong na matataas ang kabuhayan. Nilimot ang pagbabagong inusal at itinali sa sarili ang pag-unlad at bahala na si Mang Juan sa susunod na kabanata ng kanyang buhay.
Dumaan ang halalan, muling namalas ang mga lumang mga ngalan sa politika mula Luzon hanggang Mindanao na muling naghari sa mga pamahalaang lokal. Ang muling pamumunini ng mga lumang pangalan ang nagselyo na ‘di ibig na maganap ang pagbabago. Sa katunayan, may ilang bagong ngalan ang lumitaw ngunit ‘di nagtagal at muling bumalik ang mga tahirang politiko o ngalan na tila nagpabango habang nagpapahinga. Ang kaayusan sa baba ng lipunan ang batid ng mga lumang ngalan sa politika at gamay ang kalakaran sa baba na nagbalik sa pwesto. At masasabing ‘di mawawala ang “political dynasty” sa bansa sa kadahilanan ng kabatiran ng kiliti ng tao sa laylayan. At sa huli, sila sila ang tatao sa kongreso ng bansa.
Dahil sa “political dynasty” hindi natikman ni Mang Juan ang pag-unlad at higit na lumayo ang kabuhayan at higit na dama ang kahirapan. Sa paglipas ng panahon at nagpalit-palit ang lider sa pambansang upuan subalit hindi nagbago ang kabuhayan ng tao sa laylayan. Sa totoo lang, sa lahat ng pambansang halalan, ang pangako ng mga politiko higit ang ibig maging pangulo, ipapatupad o gagawin na maiangat ang kabuhayan ng mamamayan. Sa halip ganap na tumaas ang presyo ng mga bilihin, bumaba ang halaga ng piso at kakarampot ang sahod ng mga obrero at ‘di sapat sa pang araw-araw na gastusin na higit na nagbaon sa utang at ganap na kahirapan. Sa kabilang banda, napilitan si Mang Juan na paalisin ang asawa tungo sa ibang bansa ng makatulong sa pagpapalaki’t pagpapag-aaral ng mga anak. Ang masakit, naalis si Mang Juan sa kumpanyang pinapasukan dahil sa pagtitipid na nagpatagal sa asawa sa pagtigil sa malayong lupain para mabuhay ang pamilya.
Nagpatuloy ang palitan sa pambansang liderato, at silip ang sari-sariling programa na ‘di nagawa na o ang Pinoy higit ang tao sa laylayan ang nagbuhat ng kabigatan. Sa palitan ng liderato sa bansa, iisa ang ‘di nagbabago, ang ‘di mapigil na pagtaas ng mga bilihin at ang bayaring utang ng bansa. Ang mga repormang at ‘di pag-unlad ng kabuhayan at sa kaayusan pang-uri ang ganap na naglayo sa kabuhayan ni Mang Juan sa maginhawang iilan. Sa pagsulpot ng isang lider mula sa kaTimugan na pagpuksa ng mga sugapa sa droga kuno ang programa, ang nagbigay dalamhati sa mga pamilya na ‘di nabigyan ng katarungan sa panahon ng panunungkulan. Ang masakit, higit na lumobo ang utang ng bansa sa labis na paghiram dahil kuno sa pandemya. At sa kasalukuyan, silip ang taas ng halagang ibinabayad sa tagapagtangol sa usaping hinaharap. Ang higit na masakit na ginawa ng lider ng kaTimugan, binigyan laya ang mga dayuhan na supilin ang pamalakayang Pinoy sa sariling karagatan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kahirapan sa bansa at patuloy na lumolobo ang pagkakautang. Hindi naganap ang pangakong pagbaba ng presyo ng bigas sa salang programa na ‘di tinutukan ang pagsuporta sa mga magsasaka higit sa programa ng pagtatanim. Ang palyatibong pag-aangkat ng bigas ang inuna na tila pinagkakitaan ng iilan. Ang salang paglimot sa mga magsasaka na lubog sa utang at ang pagsalin sa mga sakahan tungo sa bahayan ang nagpamahal sa presyo ng bigas. Sa totoo lang, walang pagtatasa ang kasalukuyang pamahalaan sa uri ng itatanim na palay na aayon sa panahon na umiral sa bansa. Ang ganap na paglimot sa kagalingan ng mga magsasaka ang pangunahing dahilan sa ‘tumataas’ na presyo ng bigas sa bansa.
Sa pagtatasa, walang pag-unlad sa bansa na masasabing mula sa pamahalaan sa halip sarili ang inuna ng mga namuno. Ang mga nasisilip na pagbabago sa bansa’y dikta ng pangmundong pag-unlad na sinabayan ng mga negosyante nang higit na yumaman. Masisilip ang banggit sa pagsulpot ng mga istraktura mula sa kakalsadahan, condo, malalaking pamilihan at iba pa. Sa paglago ng populasyon, ang paglayo ng agwat sa kabuhayan ng mga uri’y ganap na naitago ng social media subalit dama ang mga kumakalam na sikmura ng mga maralita.
Sa huli, babalik sa tanong nahan ang bansa sa kasalukuyan? Payak ang sagot, nasa ganap na kahirapan na ‘di silip o ayaw silipin ng mga nasa taas ng lipunan na ang tuon ay magkamal ng salapi. At ang larawan ng katotohanan na ‘di nagbago ang kabuhayan ng tao sa laylayan mula sa panahon ng EDSA People Power hanggang sa kasalukuyan. May maskara ang People Power noon ’86, maskara ng politikang pagbabago at ‘di ang kaayusan pangkabuhayan. Walang puwang sa puso ng iilan ang tao sa laylayan dahil una ang lukbutan ‘di ang mamamayan.
Maraming Salamat po!!!!