Advertisers
Lutas agad sa loob ng 20-oras ng Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station 11, ang panloloob sa isang commercial establishment makaraang madakip ang dalawang kawatan sa isinagawang follow-up operation.
Sa ulat kay PBGen. Randy Glenn Silvio, QCPD District Director, nadakip ay kinilalang alyas “Opaw,” 39 taong gulang, at alyas “Nono,” 45 taong gulang, kapwa residente ng Sampaloc, Maynila.
Ayon kay PLt. Col. Virgilio Jopia, Galas PS11 chief, inaresto ang dalawa makaraang pagnanakaw ang isang establisimyento sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City nitong Lunes, Abril 13, 2026.
Nauna rito ayon kay Jopia, 9:00 ng umaga nitong Abril 13, nakatanggap ang kanyang mga operatiba ng impormasyon mula sa isang store supervisor tungkol sa isang nakawan na naganap ala-1:00 ng madaling araw sa parehong araw, sa loob ng isang komersyal na establisyimento sa kanto ng E. Rodriguez Sr. Boulevard at G. Araneta Avenue, Barangay Doña Imelda, Quezon City.
Agad na rumesponde ang mga operatiba ng PS 11 at nagsagawa ng follow-up investigation. Sinuri ang mga CCTV footage mula sa mga kalapit na establisyimento, na naging daan upang matukoy ang tricycle na ginamit ng mga suspek bilang getaway vehicle.
Sa isinagawang beripikasyon sa driver ng tricycle, kinumpirma nitong isinakay niya ang isa sa mga suspek at naituro ang lugar kung saan ito bumaba.
Tinungo agad ng mga operatiba ang lugar at namataan ng mga suspek ang presensya ng mga pulis, sinubukan nilang tumakas na humantong sa isang maikling habulan.
Nadakip ang mga suspek -9:00 ng gabi sa Barangay 593, Sta. Mesa, Maynila.
Narekober mula sa mga suspek ang iba’t-ibang ninakaw na kagamitan tulad ng mga cellular phone; mga model phone; mga relo (wristwatches); at mga bag.
Sa ginawang beripikasyon, lumabas na si alias “Opaw” may mga dati nang kaso para sa grave threat (Nobyembre 2019), robbery (Hunyo 2025), at paglabag sa P.D. 1602 o Illegal Gambling (Pebrero 2026). Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong Robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office.(Almar Danguilan)