Senador Villar: Mga online scammer, hindi na uubra dahil sa AFASA
Advertisers
Lubos na ikinatuwa ni Senador Mark A. Villar ang matagumpay na implementasyon ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), kasunod ng mga naitalang pag-aresto at pag-hatol patunay na epektibong naipapatupad ang batas laban sa online financial crimes at sa pagprotekta sa mga mamimiling Pilipino.
“Bilang Principal Sponsor and Author ng AFASA Law, ikinagagalak ko na nakikita na natin ang konkretong resulta—mas maraming naaaresto, mas maraming matibay ang case-build up ng prosekyuson, at nagkakaroon ng aktwal na mga hatol,” ani Villar.
“Mas napapabilis ang pagresponde sa mga reklamo, at mas napapalakas ang ebidensya laban sa mga kriminal. Ito ang uri ng proteksyon na kailangan ng ating mga kababayan sa digital age,” dagdag pa niya.
Ipinapakita ng mga kamakailang operasyon kung paano aktibong ipinatutupad ang AFASA sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), mahigit siyamnapung indibidwal na ang naaresto mula Enero ngayong taon dahil sa sangkot sa money muling, kabilang ang ilegal na pagbebenta ng ATM cards, e-wallets, at iba pang financial accounts na ginagamit sa panlilinlang.
Noong Pebrero, naaresto naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit sa dalawampung mga dayuhan na sangkot sa social engineering schemes, kung saan nagpapanggap ang mga suspek bilang ibang tao upang makapanloko—isang paglabag sa Section 4(b)(1) ng AFASA.
Naitala din noong Abril 2026 ang unang matagumpay na conviction, matapos mahatulan ng isang Regional Trial Court ang apat na indibidwal dahil sa paglabag sa AFASA.
“Malinaw na epektibo ang AFASA sa laban kontra online scams. May pangil na ang batas—hindi na basta nakakalusot ang mga manloloko dahil mas mabilis at mas matibay na ang aksyon ng ating mga awtoridad,” diin ni Villar.
Muling iginiit ng senador ang kanyang adbokasiya na patuloy na maghain ng batas na maglalayong protektahan ang mga Pilipino financial fraud habang isusulong naman ang mas malawak na kaalaman ng publiko sa paggamit ng digital platforms.
“Hindi natin titigilan ang pagpapatibay ng ating mga batas at pagpapaigting ng kampanya laban sa cybercrime. Kasabay nito, hinihikayat natin ang publiko na maging mapanuri, maingat at maging alisto sa kanilang mga online na transaksyon,” pagtatapos niya.