Advertisers
Hindi maitatanggi na lumabas ang katotohanan na unang isiniwalat ni Sen. Trillanes. Sa pagdinig na naganap sa malawak na kapulungan, sa Komite ng Katarungan, pinatotohanan ng mga saksi na may hawak na mga patunay na dokumento ang mga transaksyon sa mga bangko na bilyon – bilyong ng pamilya ng dating puno ng bansa at ng kasalukuyang abalang pangulo. Sa totoo lang, silip ang saya ni SenTri sa pagdinig sa kadahilanang ‘di mapapabulaanan ng mga inaakusahan na ‘di alegasyon kung hindi katotohanan at pawang may patunay na dokumento ang mga unang banggit hinggil sa mga deposito sa bangko ng dating pangulo at kasalukuyang abalang pangulo. Sa takot ni Inday Salakay, sa mga naglabasang dokumento at patotoo ng mga panauhin sa pagdinig, nag-aapurang nagpasa ng pagliban sa gawain nang makahulagpos sa mainit na pagdinig. Sa nasilip na dokumento na inilabas ng tanggapan ng Kalihim ng Ehekutibo, magtutungo si Inday Salakay sa kabang bayan sa iba’t – ibang bansa upang magpalamig. Tanong, dapat bang may-italaga bilang pansamantalang kapalit sa lumiban na abalang pangulo?
Sa pagbabalik sa pagdinig sa Komite ng Katarungan, sumumpa o pina-sumpa ang mga testigo na magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan. At kagyat na nabatid ang laki ng halaga ng mga transaksyon na dumaan sa mga bangko na ‘di kayang bilangin ng karaniwang tao ngunit kayang ipambulag sa nakakarami. Ang laki ng halaga’y tila ‘di nagmula sa tamang pinanggalingan na karaniwang nabubuwisan ng pamahalaan. Sa halip, tila ang pamahalaan ang nabuwisan sa banggit na pagkakataon dahil sa tangang pwesto ng lolo ni Mary Grace Piattos. Sa pag-upo ng nanay ni Mary Grace Piattos sa tanggapang tangan sa kasalukuyan, muli lumabas na may pagmamalabis sa paggamit ng salaping bayan ang abalang pangulo na ‘di maipaliwanag kung paano nalustay sa maiksing panahon. Ang masakit, patuloy na umiiwas si Inday Salakay sa tanong sa pinaggamitan ng pondo ng tanggapang pinamumunuan. Ang masaklap, patuloy na humihingi ng taunang pondo ang tanggapan ng abalang pangulo gayong ‘di maipaliwanag kung saan at paano nalustay este natustos ang pondo ng tanggapan higit ang “intelligence fund”. Maselan ang usapin subalit kailangan na ipabatid sa bayan ang kaganapan ng ‘di malilo sa inaasahang pagpapalabas ng pagtatakip sa gawang sala sa mga susunod na panahon.
Umaasa na ang kaganapan sa Komite ng Katarungan ang magbubukas sa kamulatan ng taong bayan, sa mga DDS sa salang paggamit ng salaping bayan ng abalang pangulo. Sa totoo lang, walang pagtutuon sa pagkatao ng abalang pangulo at nakatuon ang pag-uusisa sa sala paggamit ng salaping bayan. Sa totoo pa rin, naunang naglabas ng mga anomalya sa paggamit ng pondo ang pangulo sa salang o walang proyekto sa “flood control”. Sa pagkakataon banggit sabit ang ilang kinatawan na nagpapalamig sa ibang bansa habang umaatungal ang dating tagapagsalita ng kamara na kasalukuyang nadidiin sa anomalya ng walang proyektong “flood control”. At umaasa na may sasabit’ na mga tauhan ng pamahalaan na nagpabaya o naging katoto sa panlulustay ng salaping bayan. Ang gawa sa isa dapat gawin sa iba, sino man siya.
Sa batuhan ng putik ng mga opisyal ng pamahalaan sa salang paggamit ng salaping bayan, masasabing makakabuti sa bayan dahil na inilabas ang katotohanan na mali o sala ang naihalal ng bayan sa nakaraang halalan. Ang paglalabas na kaalaman sa nawawalang salaping bayan ang ‘di sadyang serbisyo na naidulot sa bayan. Sa totoo lang, matagal nang nagtitiis si Mang Juan sa mga halal na opisyal na una ang sarili at ‘di serbisyo sa bayan. “ Panlililo ang mga matatamis na salita na inuusal ng mga nagpapahalal sa panahon ng halalan na taliwas ang gawa ng nakuha ang pwestong asam. Ang kaayusan at kaganapan sa kasalukuyang panahon sa politika ng bayan.
Sa nabatid na kaganapan sa pamahalaan higit ang paglapastangan sa kabang bayan, inaasahan na magbabago sa kalakaran sa halalan. Umaasa na pagninilayan ng taong bayan ang tamang ihahalal at itatakwil ang salang gawa ng mga magnanakaw sa pamahalaan. Sa totoo lang, ang nabatid na mga salang gawa’y nagmumulat sa mga manghahalal na pumili ng maayos at may dangal na kakatawan sa kanilang hanay. Ihahalal ang kandidatong malinis at may pagmamalasakit sa bayan at ‘di ang mga politikong sarili ang una at ‘di ang bayan. Sa totoo pa rin, ‘di nagawa ng kasalukuyang mga kinatawan na mapaalwan ang kabuhayan ng bayan. At napansin na ‘di bumababa ang utang ng bansa na ‘di makita ang pinaggamitan. Ang pagmamalabis sa kabang bayan ang lumalabas na katotohanan na dapat pagpulutan ng aral bayan ng matigil ang paghahalal sa mga dorobo sa pamahalaan. Huwag limutin ang kasalukuyang nagaganap para sa kinabukasan ng bayan at salinlahi.
Sa totoo lang, magkahalong lungkot at tuwa ang nadarama sa pagsisiwalat ng mga anomalya sa bansa. Lungkot, sa dahilang ‘di natuto ang mga lingkod bayan sa nakaraan na ilang lider ng bansa ang nasipa, nakulong sa mga salang gawa higit sa salang panlulustay ng salaping bayan. O’ ang natutunan ay ang magpalaki ng nanakawin ng makapamuhay ng may kasarapan sa ibang lupalop ng mundo. Saya dahil ganap na lumabas ang katotohanan sa pagmamalabis ng mga opisyal ng bansa sa kabang bayan. Natutuwa na muling may pagpupulutan ng aral ang taong bayan sa pagpili ng mga karapat dapat na mga halal na kinatawan. At muling natutuwa, na magiging mapagmatyag ang bayan sa mga kilos ng mga ihahalal sa pwestong pag-aagawan.
Bilang panghuli, sa mga DDSs, umaasa na mamumulat ang isip sa salang gawa ng idolong umalis at umiiwas sa naisiwalat na katotohanan sa pagdinig sa malawak na kapulungan. Umaasa na ‘di inaayunan at kinokondena maging sino pa man ang salang gawa. Muli, umaasang una ang kapakanan ng bayan at isasantabi ang salang paniniwala na mabuti ang napipisil na lider ng bansa sa kinabukasan. Umaasa na itutuwid ang mali at lalakad sa tama na bitbit ang katarungan sa lahat. Ang isan-tabi ang paghanga sa taong may sala ang inaasahan sa inyo ng bayan.
Maraming salamat po!!!!