SEN. ERWIN TULFO, NANAWAGAN SA MGA FIRMS NA ‘WAG SIYA ISAMA AT KAPATID NA SI RAFFY SA 2028 PRESIDENTIAL SURVEYS
Advertisers
“LEAVE us alone…sakit po sa ulo yan… dito muna kami sa Senate.”
Ito ang mahigpit na panawagan ni Senator Erwin Tulfo para sa kanya at kapatid na si Sen. Raffy, sa mga nagsasagawa ng 2028 Presidential surveys.
“Ang gusto po ng brother ko and myself, sana po next time, ‘wag isama-sama yung mga pangalan po namin dyan, mga tatakbo possible candidates, presidential, vice-presidential. Eh ang plano lang po talaga namin, hanggang dito lang po kami sa Senado,” ani Sen. Erwin, kasabay ng pahayag na nag-aalala, naguguluhan at nagugulat sila kung bakit nasasali ang pangalan ni Sen. Raffy sa media at social media, kung saan ‘tie’ umano sila ni Vice President Sara Duterte.
Ani Sen. Erwin, madaming problemang dulot ang mga pagkakasali sa surveys gaya ng bashers at trolls, gayung wala naman silang plano na tumakbo sa mas mataas na posisyon para sa 2028.
“Wala naman po talagang kaplano-plano ‘yung kapatid ko. I was talking to him last night. Or sino man po sa amin to run for higher office of 2028. Okay na po kami dito sa Senado. We’re happy na makatulong. We craft law,” aniya pa.
Ayon pa kay Sen. Erwin: “Baka pwede po sa mga susunod na survey, huwag na po muna isama yung mga pangalan po namin. Kasi marami naman po dyan mga magagaling din naman sa administration, sa opposition. Marami naman po pwede kung ilalaban lang naman po kay Sara Duterte, magaling naman po rin ang tao.”
Binanggit niya ang Remulla brothers (Ombudsman Boying and Interior Secretary Jonvic), si Senator Risa Hontiveros at dating Senator Mar Roxas, na kasama sa mga lumulutang na posibleng sumabak sa Presidential race bilang ilan sa personalidad na mas dapat pagtuunan ng mga survey groups.
“Dahil gusto po namin tahimik po muna. Katatapos lang po ng 2025, talagang nabugbog po kami magkakapatid sa mga batikos, sa mga banat. So, let’s just leave the… please, please leave us alone. Huwag na muna isama po yung mga pangalan po namin,” pagbibigay-diin pa nito.
Dahil umano masaya sila kung nasaan sila ngayon, napag-usapan umano nilang magkapatid na manatili sa Senado at aniya, marami namang kandidato na maaring ipantapat kay VP Sara.
“Bakit lagi po kami itinuturo? I mean, we’re just doing our job and we’ll continue to do so our job kasi po, yun po yung trabaho ho namin ever since kahit na before politics pa po, we’re already trying to do our job. Kahit sa media pa po kami, we’re trying to help, di po ba? So bakit kami ho kaagad na naisip na ipantatapat po kay Sara Duterte? Wala hong plano po kami na tumakbo for higher office,” ani Sen. Erwin, sabay pakiusap sa mga nagsasagawa na naturang survey na isama lamang yaong mga nagpapahayag ng interes na tumakbo sa mga naturang posisyon.
Ikinalungkot din ni Sen. Erwin na dalawang taon pa ang 2028, subalit marami na ang abala dito, sa gitna ng napakaraming problemang kinakaharap ng bansa.
Aniya, dapat na isantabi muna ang mga survey at gaya nito at ituon ang lahat ng pansin at atensiyon sa trabaho, lalo na sa mga taong-gobyerno. (JERRY S. TAN)