Advertisers
By Beth Gelena
Sa isang panayam, iginiit ni Mariel Rodriguez Padilla na hindi siya naaapektuhan ng mga kontrobersiya at kritisismong kinakaharap ng kanyang asawang si Senador Robin Padilla.
Nagulat pa nga siya sa sarili niyang katatagan sa kabila ng mga isyung ibinabato sa kanilang pamilya.
Aniya, malaking bagay ang kanyang pananampalataya at ang paniniwalang ang lahat ay nasa kalooban ng Diyos.
Ibinahagi rin niya na si Robin mismo ang nagturo sa kanya na huwag pagtuunan ng pansin ang mga negatibong komento at batikos. Dahil dito, mas natutunan niyang manatiling kalmado sa gitna ng mga kontrobersiya.
Bagama’t bihira nilang pag-usapan ang trabaho ni Robin bilang senador, sinabi ni Mariel na nagtitiwala siya sa mga desisyon ng asawa.
Madalas daw na ang usapan nila ay umiikot sa kanilang mga anak at pamilya.
Dagdag pa niya: “Kami OK kami. Hindi kami magulo. Politika lang magulo.”
Ayon kay Mariel, nananatiling normal ang kanilang buhay-pamilya sa bahay. Patuloy niyang sinusuportahan si Robin sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanilang pamilya, paghahanda ng masustansyang pagkain, at pagdarasal para sa kanyang kaligtasan.
Sa kabila ng mga hamon at kontrobersiyang pampulitika, nananatiling matatag ang suporta ni Mariel para kay Robin.
“Hindi ako apektado gaya ng gusto o iniisip ng mga tao. Hindi. Sa lahat ng bagay na ibinabato sa amin, kung mahina ako, baka. Pero nagulat ako sa kung gaano ako katatag,” aniya pa.
“Sa puntong ito, ang makakapitan mo ay ang lahat ay kalooban ng Diyos. Siguro sa edad ko na din—ipagpapasa Diyos mo na talaga.”
Dagdag pa ni Mariel, hindi rin daw nababahala si Robin sa mga isyu at kritisismo na ibinabato sa senador.
“Ang galing talaga ni Robin. Sobra. Before, he would tell me wag ko bigyan ng oras. Sa kanya ko natutunan,” esplika niya.
“It is always about our children. Ang dami niya na nakausap tungkol doon. So minsan na lang. My question is always— ‘are you OK?’ If he tells me he is OK, we are all OK na Ganon lagi pag sinabi niya OK, hindi na ako mag aalala kasi sinabi niya, ‘is everything ok?’— if OK, then normal tayong lahat.”