Advertisers

Advertisers

Bully sa eskuwela, disiplina sa bahay ang soluyon

0 7

Advertisers

Bully sa eskuwela, disiplina sa bahay ang soluyon

Pasukan na naman…at heto nga nakababahala na ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga biktima ng bullying sa bansa. Isa nga sa nakakaantig sa puso ay ang karanasan ng pamilya Vargas – sa pangyayari ay muling nabuksan ang sugat ng napakaraming biktima na hanggang ngayon ay nagdurusa sa trauma ng pananakit, panunukso, at pananakot, habang patuloy na naghihintay ng mailap na hustisya.

Base sa ulat ng Congressional Commission on Education (EDCOM) II at De La Salle University para sa taong kasalukuyan, umaabot sa 65% ng mga estudyante sa Grade 10 ang nakararanas ng pambubully buwan-buwan habang 40% naman lingguhan.

Sa mga napapanood natin sa social media, lumalabas na tila’y wala nang ligtas na lugar sa mga eskuwelahan – maging sa comfort room ay umaatake ang mga bully. Ipinagmamalaki pa ng mga bully ang kanilang gawain.

Dahil sa palala nang palala ang kaso, gumawa ng isang hakbanging ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na ipatutupad ngayong pagbubukas ng klase – Hunyo 8, 2026. Ipatutupad ang Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act, kasabay ng DepEd Order No. 006, s. 2026 para sa mas pinalakas na Learner Rights Protection.

Maganda ang katugunan ng kagawaran pero ang tanong, matutuldukan na nga ba ang kalbaryo ng mga bata sa kamay na ang demonyong bully? Baka naman tulad lang nito ng ibang IRR na hanggang papel lang ito.

Ang pangako naman ay tiyak na maipatupad ito ng maayos dahil sa may itinalaga nang formation officer kaya ang mangyayari ay wala nang palakasan. Talaga lang ha.

Sa ilalim ng bagong Revised IRR, may mga konkretong pagbabago na direktang sasagot sa mga reklamo ng magulang at mag-aaral upang matiyak na wala nang palakasan – may nakatutok na formation officer bilang dagdag sa kakulangan ng guidance counselors sa mga eskuwelahan.

Sa RIRR, obligado ang bawat paaralan na magtalaga ng Formation Officer na siyang hahawak, mag-iimbestiga, at magpapadala ng agarang sanctions o parusa sa mga mapatutunayang bully.

Sa DepEd Order No. 006, inalis na ang mahahabang burukrasya. Pinasimple ang sistema ng pag-uulat upang ang mga biktima ay hindi na matakot magsumbong. Kasama rin dito ang agarang psychosocial at mental health support para sa mga batang nakaranas ng trauma. Nandyan din ang pananagutan ng Paaralan. Wala nang paaralan ang pwedeng “magtakip” ng isyu para lang isalba ang kanilang pangalan. Ang sinumang administrador na magpabaya ay mananagot sa batas.

Kaugnay nito, naninindigan ang Pilipinas Beat Bullying (PBB) na walang lugar ang karahasan sa isang makatao at makatarungang lipunan. Ang bawat biktima ay may karapatang marinig, maprotektahan, at mabigyan ng katarungan.

Kung susuriin, napakaganda ng mga bagong batas na ito – may pangil, may malinaw na direksyon, at may takdang pondo. Ngunit sa usapang bullying, sino nga ba ang tunay na may kasalanan kung bakit may mga halimaw sa eskwelahan?

Anang grupong PBB, ang pagiging isang magulang ay hindi lamang isang titulo at sa halip, ito ay isang mabigat na responsibilidad na may kaakibat na malaking pananagutan – ang paggabay sa mga bata, lalo na kung ang mga ito ay nasasangkot na sa pang-aapi at bullying sa kapwa.

Nakalulungkot nga lang, bilang isang magulang ay nakadudurog sa puso ang makitang kawalan ng pagpapakumbaba mula sa ilang magulang ng mga batang nang-api. Sa halip na tanggapin ang pagkakamali at humingi ng paumanhin, pinili pa nilang ipagtanggol ang anak.

Mas masakit kapag ang maling gawain ng isang bata ay kinukunsinti ng sarili niyang magulang. Kapag ang kamalian ay pinapalakpakan at hindi itinutuwid, nagiging pamana ito ng maling asal sa susunod na henerasyon. Ang pagka-bully ay hindi nagsisimula sa paaralan —nagsisimula ito sa loob ng tahanan Dagdag ng PBB na sa tahanan pa lamang ay dapat na matutunan ng isang bata ang respeto, pananagutan, at malasakit sa kapwa.

Tama, sa tahanan pa lamang ay dapat nang disiplinahin na ang mga bata at huwag iasa sa mga guro. After all, tayong mga magulang ang kauna-unahang guro ng atin mga anak.

Kung ang anak mo ay bastos, mapanakit, at walang respeto sa labas ng bahay, huwag mong sisihin ang eskwelahan. Sisihin mo ang sarili mo dahil hinayaan mo siyang lumaking walang disiplina sa loob ng iyong tahanan.

Kaya nananawagan ang PBB sa lahat ng mga magulang na huwag gamitin ang bulag na pagmamahal upang pagtakpan ang pagkakamali ng inyong mga anak.

Sa bagong kautusang ito, kasama sa hihigpitan ang Kaagapay Program kung saan ang mga magulang ay obligado nang makipagtulungan.

Kapag ang magulang ang unang nagtatanggol sa mali, sinisiguro ninyong ang anak ninyo ay lalaking walang takot sa batas at sa awtoridad, walang respeto sa karapatan ng ibang tao at walang pagsisisi sa kanyang mga ginawang pinsala.

‘Ika nga ay panahon na para managot ang may pananagutan, at iparamdam sa bawat biktima na hindi sila nag-iisa sa kanilang laban. Hindi natin pwedeng hayaang mamayani ang kultura ng takot at dahas sa ating mga komunidad.

Nananawagan tayo sa mga pamunuan ng mga paaralan sa buong Pilipinas na sana ay totoong ipatupad ang Revised IRR nang may tapang at walang kinikilingan.