Advertisers
Pinarangalan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga natatanging Manilenyo na nagpakita ng kahusayan at malasakit sa iba’t- ibang larangan tulad ng edukasyon, pampublikong kalusugan, gawaing sosyo-sibiko, kultura at sining, mass media, palakasan, pagpapaunlad ng kabataan, at pangangalaga sa kalikasan sa ginanap na Gawad Manileño 2026 sa Metropolitan Theater nitong Huwebes, Hunyo 18.
Isinagawa ang seremonya sa ilalim ng temang “Gawad Manileño 2026: Pagpupugay sa Kahusayan at Paglilingkod,” bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila. Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Matatag sa Hamon, Pinagtibay ng Panahon.”
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Domagoso na ang Gawad Manileño ay higit pa sa isang tropeo o sertipiko. Aniya, ito ay isang tradisyong minana mula sa mga unang namuno sa Maynila bilang pagkilala sa mga indibidwal at grupong nagpakita ng natatanging paglilingkod at kahusayan para sa lungsod.
“Ang Gawad Manileño ay hindi lamang isang tropeo, hindi lamang isang sertipiko, at hindi lamang basta pagkilala. Ito’y isang tradisyong ating sinusundan na isinalin sa atin ng mga unang namuno sa Lungsod ng Maynila,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang lungsod ay hindi nasusukat sa dami ng gusali o imprastraktura, kundi sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan nito. Aniya, ang bawat pinarangalan ay sumasalamin sa diwa ng tema ng anibersaryo ngayong taon.
“Ang isang dakilang lungsod ay hindi itinatayo ng gobyerno lamang; ito ay binubuo ng mga mamamayang pinipiling magmalasakit sa kapwa,” wika niya.
Nagbigay rin ng mensahe si Domagoso sa kabataan ng Maynila at hinikayat silang tularan ang mga ginawaran. Aniya, nagiging makabuluhan lamang ang tagumpay kung ito ay nagagamit upang maiangat at makatulong sa iba.
“Ang Maynila ay hindi dakila dahil ito ay kabisera ng bansa. Dakila ang Maynila dahil sa mga Manilenyong araw-araw na lumalaban, nagsisikap, nagmamalasakit, at nagmamahal sa kani-kanilang kapwa,” dagdag ng alkalde.(BP)