AKSYON NI CIDG CHIEF MGEN. MORICO VS CHINESE SPY AT DUMMY HINILING!
Advertisers
POSIBLENG nakikinabang ang Chinese People’s Liberation Army (PLA) sa bilyones na kinikita ng babaeng Chinese spy na nakabase sa bayan ni Ibaan Mayor Jane Casas at ng dummy nitong si alyas Bunny na kilala din sa alyas na Sgt. Mercado na nagpapatakbo ng ilegal na “pasingaw” ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) at buriki/paihi ng nakaw na mga petroleum product.
Ito ang nakababahalang pahayag ng sibikong grupo na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), kasabay ng panawagan kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, na paimbestigahan ang mga aktibidad ng grupo ng mga “kapustahan” o police tong collector na umiikot sa CALABARZON.
Ang grupo ng mga “kapustahan” ay pinamumunuan ng isang nasibak na Davao police at kilalang Duterte Die Hard Supporter (DDS) na si alyas Sgt. Adlawan at local underworld na si alyas Magsino na notoryus sa pagiging tong o intelhencia collector na ginagamit na panakot ang mga tanggapan ng CIDG Regional 4A Field Unit, Batangas CIDG Provincial Office, local police station at iba pang opisina ng law enforcing arm sa Timog Katagalugan upang makapangikil sa mga ilegalista.
Umaabot sa milyones ang lingguhang nakokolektang protection money ng grupo nina alyas Sgt. Adlawan na naging milyonaryo na at Magsino na nakasuhan na ng CIDG RFIU 4A ng mga asuntong robbery extortion at illegal possession of firearm and ammunitions halos dalawang taon na ang nakaraan.
Ang milyon-milyong tong koleksyon mula sa illegal na STL bookies, loteng, peryahan na pulos sugalan (pergalan), sakla, gayundin ang illegal quarry, logging, mining, illegal van, bus terminal at colorum van ay ipinagbabanduhan ng dalawa na lingguhan nilang ineri-remit sa mga opisina ng kanilang mga big boss sa Camp Crame, CIDG RFIU 4A, PNP Region 4A at mga provincia at local police offices.
Nangunguna ang mga lalawigan ng Cavite at Batangas na may limpak-limpak at milyones na weekly intelhencia koleksyon sa smuggling, pasingaw at buriki/paihi ng sindikatong Violago, Amang at Aldo sa Zigzag Road, Brgy. Bancal, Carmona City sa lalawigan ng Cavite at ng Pasingaw, buriki/paihi ng lady Chinese spy at dummy nito na si alyas Bunny aka Sgt. Mercado.
Nasa 300-500 metro lamang ang distansya ng “pasingawan” at burikian/paihian ng Chinese spy at alyas Bunny/Sgt. Mercado sa Ibaan Exit at STAR Tollway na madalas daanan ng mga sasakyan ni Ibaan Police Chief Maj. John Leo Cuasay at Mayor Jane Casas, ngunit kataka-takang hindi ng mga ito pinaaaksyunan ang naturang ilegal na aktibidad.
Nakapag-operate ng “pasingaw” at buriki/paihi ang Chinese spy at alyas Bunny/Sgt. Mercado sa udyok nina alyas Adlawan at Magsino na sila ang “bahala sa itaas” – mula Camp Crame pababa sa Batangas Provincial level, Municipal Police Office at maging sa lokal at barangay official, sa kabila ng mahigpit na direktiba nina DILG Sec. Jonvic Remulla at PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Kapalit ng ipinangakong proteksyon nina alyas Sgt. Adlawan at Magsino ay tig Php 500k na lingguhang protection money na ipinagmamalaking regular na ire-remit nila sa kada “butas” o sa CIDG at iba pang matataas na opisyales ng PNP.
Ayon din sa MKKB ay bilyones ang lingguhang kinikita ng Chinese spy at ni alyas Bunny/Sgt. Mercado mula sa “pasingaw” at buriki. Mula doon ay milyones din ang nakukurakot nina alyas Sgt. Adlawan at Magsino.
Nabatid din na noon pang 2022 nagsimula ang operasyon ng pasingaw at buriki ng Chinese spy at alyas Bunny/Sgt. Mercado.
“Malaki ang tiwala namin sa kakayahan at katapatan ni Gen. Morico II at kaya niyang sugpuin ang operasyon ng Chinese spy at alyas Bunny o Sgt Mercado na nagpapabagsak sa ekonomiya at malaking banta sa seguridad ng bansa”, pagdidiin din ng MKKB. (CRIS A. IBON)