Advertisers
INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palalayain na ang 24 Pilipinong siyam na buwan nakakulong sa Irkutsk, Siberia matapos mabiktima ng illegal recruiters at magkaroon ng problema sa kanilang immigration status.
Ayon sa Pangulo, personal niyang inilahad kay President Vladimir Putin ang kalagayan ng mga Pilipino sa kanilang bilateral meeting sa Russia.
Agad namang ipinag-utos ni Putin na aksyunan ang usapin matapos malaman na wala namang isinampang kaso laban sa mga ito.
Sinabi ni Marcos na nakatakdang palayain at i-deport pabalik sa Pilipinas ang 24 Pinoy para muli nilang makapiling ang kanilang mga pamilya.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mabilis na pagtugon ng pamahalaang Russia sa naturang isyu.
Samantala, pinagtibay ng ASEAN at Russia ang Kazan Declaration 2026 sa ASEAN-Russia Commemorative Summit bilang gabay sa pagpapalawak ng kooperasyon ng magkabilang panig sa susunod na mga taon.
Sa isang joint press conference, sinabi ni Pangulong Marcos na kabilang sa mga prayoridad na pagtutulungan ang kalakalan at pamumuhunan, enerhiya, seguridad sa pagkain, agham at teknolohiya, at paglaban sa transnational crimes upang maghatid ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng rehiyon.
Sa kanyang panig, iginiit ni Putin na magbibigay-daan ang deklarasyon at bagong plano ng aksyon para higit pang mapalakas ang ugnayan ng Russia at ASEAN sa larangan ng ekonomiya, seguridad, kultura, at iba pang mahahalagang sektor.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kooperasyon ng ASEAN at Russia sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, seguridad sa pagkain at enerhiya, agham at teknolohiya, at people-to-people exchanges.
Sinabi ni PBBM, tinalakay din ng mga lider ang mas malawak na pakikipag-ugnayan ng ASEAN sa mga organisasyong pang-ekonomiya sa Eurasia.
Target aniya nitong mapalakas ang economic connectivity, turismo, agrikultura, at iba pang sektor na may kapakinabangan sa rehiyon.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang mga dokumentong pinagtibay sa ASEAN-Russia Commemorative Summit, kabilang ang Kazan Declaration 2026, ay magsisilbing gabay sa mas matibay at mas makabuluhang pagtutulungan ng ASEAN at Russia sa mga susunod na taon. (Gilbert Perdez, Vanz Fernandez)