Advertisers
NAKAHANDANG depensahan ni pool master Chezka Centeno ang kanyang titulo kapag nagsimula ang 2026 Banca del Fucino WPA Women’s 10-Ball Championship mula Hulyo 31 hanggang Agosto 6, 2026 sa Rome Cavallieri, isang Waldorf Astoria Hotel sa Rome, Italy.
Kung maalala tinalo ni Centeno ang kanyang kababayan na si Rubilen Amit, 3-2 (4-1, 2-4, 4-2, 3-4, 4-2) sa limang sets, para makuha ang Women’s World 10-Ball Championship na ginanap sa Bali, Indonesia—ang kanyang pangalawang world title, matapos itong unang maipanalo noong 2023 sa Klagenfurt, Austria.
“I really want to defend my title,” wika ni Centeno, tinaguriang ‘The Flash’ sa mundo ng pool, na lumaki sa Zamboanga City.
Nagsimula siyang maglaro ng billiards noong limang taong gulang pa lamang siya at natuklasan ang kanyang potensyal sa edad na walo nang lumahok siya sa mga lokal na torneo sa kanilang bayan sa Zamboanga City.
Noong 11 taong gulang siya, sumali siya sa Philippine National Games at nakakuha ng ikatlong pwesto. Nang siya ay 12 na, inimbitahan siya sa Kremlin Cup sa Russia at nakapasok sa top 32. Matapos siyang makuha sa pambansang koponan, lumahok si Centeno sa 2014 Asian Junior Championship at nanalo ng unang pwesto sa kategoryang girls’ single. Pagkatapos, nanalo rin siya sa nine-ball women’s single sa 2015 Southeast Asian Games, kung saan hinarap niya si Amit sa final.
Samantala, puwede nyang mapanalunan ang bahagi ng $200,000 kabuuang premyo sa 2026 Banca del Fucino WPA Women’s 10-Ball tournament kung saan makukuha ng kampeon ang pinakamalaking bahagi na $60,000.
Ang pang-2 – $35,000, ang pang-3–4 – $17,500, ang pang-5–8 – $8,750 at ang pang-9–16 – $4,375.