Advertisers
HUMARAP ngayong araw, Hunyo 29, sa unang public inquiry ng Department of Labor and Employment (DOLE) si dating Ateneo Basketball Team Head Coach Tab Baldwin.
Sa pagtatanong ni Labor Secretary, Atty. Francis Tolentino, sa estado ng work permit, inamin ni Baldwin na wala siyang hawak na Alien Employment Permit (AEP) habang nagtatrabaho dito sa Pilipinas.
Ayon kay Baldwin, tanging ang Alien Certificate of Residency (ACR) ang kanyang hawak, na nakuha niya noong 2016.
Giit ni Baldwin, isang Atty. Dong Florencio ang tumutulong sa kaniya na makakuha ng mga dokumento pero si-nabihan na hindi na kailangan pa ang AEP at sapat na ang Residency Certificate.
Pero nang tanungin ng labor chief si Baldwin, inamin din nito na 2013 pa siya kinuha bilang consultant ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) na ipinagtaka naman ng kalihim dahil inabot pa ng tatlong taon bago siya nakakuha ng ACR.
Paliwanag ng Ateneo Coach, nawalan na siya ng oras para asikasuhin at tumutok na bilang coach ng Ateneo Basketball sa loob ng isang taon.
Dahil dito, ipapatawag ng DOLE ang nasabing abogado na tumulong sa pagkuha ng dokumento at nagpayo kay Baldwin, maging ang employer o pamunuan ng Ateneo de Manila University sa Hulyo 9.
Iginiit naman ng legal counsel ni Baldwin na exempted na siya sa pagkuha ng AEP dahil may hawak nang permanent visa residency, at handa naman silang makipagtulungan sa imbestigasyon ng DOLE.
Ang clarificatory hearing ay may kaugnayan sa insidente ng pagkalunod at pagkamatay ng dalawang Ateneo Blue Eagles Student athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
(Jocelyn Domenden)