MOVE IT kinondena ang pagpatay sa rider-partner, tiniyak ang patuloy na suporta sa pamilya
Advertisers
Nagpahayag ng marubdod na pakikiramay ang MOVE IT Philippines sa pamilya ng rider-partner na si Fabio Norberte, Jr. at tiniyak ang patuloy na suporta sa kanila habang isinusulong ang hustisya para sa biktima.
“Labis naming ikinalulungkot ang pagpanaw ni Fabio. Taos-puso kaming nakikiramay sa kanyang pamilya, mga mahal sa buhay, at sa buong MOVE IT rider community,” ani MOVE IT General Manager Wayne Jacinto sa isang bagong pahayag.
Si Norberte, 46, ay nasawi matapos siyang pagnakawan ng kanyang pasahero sa Brgy. 20, Caloocan City noong madaling araw ng Hulyo 14.
Ayon kay Jacinto, nagpaabot ang MOVE IT ng paunang financial assistance sa pamilya ni Norberte habang kasalukuyang inaasikaso ang pagproseso ng mga insurance benefits na maaari nilang matanggap. Patuloy rin aniyang nakikipag-ugnayan ang kumpanya sa pamilya upang matiyak na maibibigay ang iba pa nilang maaaring kailanganin.
Dagdag niya, patuloy na sasamahan at susuportahan ng MOVE IT ang pamilya ni Norberte habang hinaharap nila ang matinding pagdadalamhati at unti-unting muling binubuo ang kanilang buhay.
Mariin ding kinondena ng MOVE IT ang karahasang ikinasawi ng rider-partner nito. Sinabi ni Jacinto na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police sa pagbibigay ng impormasyon at mga records na maaaring makatulong sa imbestigasyon at pag-uusig sa kaso. Handa rin aniya ang MOVE IT na magbigay ng legal assistance sa pamilya ni Norberte sa pagpapatuloy ng kaso.
Bigay-diin ni Jacinto, kasalukuyan nang sinusuri ng MOVE IT ang booking system at mga safety protocols nito upang lalo pang mapalakas ang proteksyon ng lahat ng rider sa kanilang network.
Nanawagan naman si Motorcycle Taxi Community Chairman Romeo Maglunsod sa pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit at mas malawak na proteksiyon para sa mga motorcycle taxi rider, kabilang ang agarang pagsasabatas ng Motorcycle Taxi Bill na may malinaw na probisyon para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
Ayon kay Maglunsod, si Fabio na ang ikatlong motorcycle taxi rider na nabiktima ng krimen sa loob lamang ng isang linggo. Dalawa pang rider mula sa ibang mga platform ang naiulat ding marahas na nabiktima ng carjacking, holdap, at pagpatay.
Sinang-ayunan ito ni Jacinto at nanawagan sa lahat ng motorcycle taxi platform na magkaisa upang sama-samang itaas ang antas ng proteksiyon at kaligtasan sa buong industriya, para sa bawat rider na naghahanapbuhay at bawat pasaherong umaasa sa kanilang serbisyo.
Tiniyak ni Jacinto na patuloy na magiging katuwang ang MOVE IT ng pamilya ng nasawing rider-partner at ng buong rider community sa kanilang sama-samang paghahangad at pagkamit ng hustisya.