Advertisers
Sa pagpapalawig ng mga katutubong wika o diyalekto para sa makabagong panahon natin ay malaki ang magiging katulungan ng ARTIFICIAL INTELLIGENCE (AI).
Ito ang ipinunto ng KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF) para sa pangkomunikasyon ng
iba’t ibang rehiyon sa ating bansa sa pamamagitan ng mga pagpepreserba, dokumentasyon at pagpapayabong pa sa ating mga wika.
Ngayong darating na buwan ng AGOSTO ay ipagdiriwang sa pangunguna ng KWF na pinamumunuan ni KOMISYONER MARITES BARRIOS-TARRAN ang “BUWAN NG WIKANG PAMBANSANG 2026” na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Itinuturing ng KWF ang AI bilang kasangkapan para sa mga pangkomunikasyon.., ika nga ay ang wikang Filipino at ang AI ang silbing tulay para sa pagkakaintindihan ng mga tao tungo sa magandang kinabukasan.
Gayunman ay mayroon na tayong ilang mga katutubong diyalekto o wika na maaaring maglaho na dahil sa modernisasyon at pagdayo sa iba’t ibang lugar ng mga tao para sa progreso ng kanilang magiging kabuhayan.., na ika nga ay normal sa mga tao ang maghangad sa pagpapaunlad ng kanikanilang mga pamilya.
Sa naging pananaliksik ng KWF noong 2015 ay may 37 wika o mga katutubong salita o diyalekto ang maaaring maglaho na dahil iilan na lamang ang namamalagi sa kanilang mga komunidad.
Ang ilang sa mga katutubong wika na tuluyang maglaho sa mga darating na panahon ay
ang Inagta Iraya ng Buhi, Camarines Sur; Binatak ng Palawan; Manide ng Camarines Norte; Ayta Kadi ng Quezon Province; Ayta Ambala ng Zambales at Bataan; Ayta Mag-antsi ng Tarlac, Nueva Ecija, at Zambales; Tanap (Agta Dupaningan) ng Cagayan at Isabela; Bolinaw ng Pangasinan; Agta Dumagat Casiguran ng Isabela at Aurora; at Agta Dumagat Umíray ng Lalawigan ng Quezon.
Mga ka-ARYA.., ang mga katutubong salitang ito ay ilan lamang sa posibleng maglalaho dahil sa sibilisasyon at pagbabago ng mga panahon na kung tuluyan mang maglaho ang ilan sa mga katutubong wika ay magiging bahagi ang mga ito sa talaang dokumentasyon at kasaysayan ng mga LAHING PILIPINO!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com para sa inyo pong mga panig.