Advertisers
HINILING ni Vice President Sara Duterte sa Senado na sagutin ang gastusin sa pagkain, inumin at catering services para sa kanyang defense team, support staff at mga testigo, iginiit na ang lahat ng ihahain sa kanila ay dapat manggaling lamang sa akreditadong caterer ng Office of the Vice President (OVP) sa buong panahon ng kanyang impeachment trial.
Sa liham na may petsang Hulyo 7, 2026 na ipinadala kay Senate President Sherwin Gatchalian, humiling si Duterte ng tatlong espesyal na kaayusan para sa buong tagal ng paglilitis.
Kabilang sa kanyang kahilingan na ang lahat ng pagkain at inumin para sa defense team, support staff at mga testigo ay ihain lamang sa kanilang nakatalagang holding room.
Hiniling din niya na ang lahat ng pagkain ay eksklusibong kunin, ihanda at ihain ng akreditadong caterer ng OVP, dahil sa aniya’y “lehitimong usapin sa seguridad” at upang matiyak ang kaligtasan ng mga tauhan at testigo.
Sa kabila ng kahilingang magkaroon ng eksklusibong catering na sila mismo ang pipili, hiniling din ng Bise Presidente na ang Senado ang magbayad ng “makatwirang halaga” ng pagkain, inumin at catering services para sa kanyang defense team, support staff at mga testigo.
Ayon kay Duterte sa kanyang liham, kailangan ang mga hakbang na ito upang mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng defense team, support staff at mga testigo, matiyak ang kanilang ganap at epektibong pakikilahok, at mapanatiling maayos at tuluy-tuloy ang pagdinig.
Sinabi rin niya na umaasa ang OVP na kikilalanin ng Senado ang pangangailangan ng mga kahilingang ito at aaprubahan ang pagpapatupad nito sa buong panahon ng impeachment trial.
Gayunman, nagbunsod ang kahilingan ng mga tanong kung nararapat bang ang mga nagbabayad ng buwis ang sumagot sa gastos ng catering service na pinili mismo ng isang panig sa impeachment proceedings, lalo na’t mayroon nang umiiral na administratibo at logistical arrangements ang Senado para sa mga opisyal na gawain nito.
May tatak na natanggap ng Office of the Senate President ang naturang liham namay petsang Hulyo 7, 2026.
Hanggang sa oras ng paglalathala, wala pang inilalabas na pahayag ang Senado kung inaprubahan o tinanggihan nito ang kahilingan ng Bise Presidente.