Advertisers
WALA kaming maisip na diretsong salin sa salitang “dignified” na ginamit ng isang mambabatas na pang-uri sa nakatakdang “State of the Nation Address” (SONA) ni BBM ngayon (Lunes). Dahil umugat ito sa salitang “dignity” na ang diretsong salin sa ating wika ay dangal, naisip namin na mainam na gamitin ang “marangal” bilang salin ng dignified.
Ito ang ginamit na kataga ni Kin. Agatha Cruz ng Bulacan sa pagtalakay sa SONA ni BBM sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City. Ginamit niya ang salitang “focused” upang bigyang diin ang ibayong pagtutok sa mensahe ni BBM sa SONA.
Taimtim na tinalakay ni Agay (palayaw niya) ang SONA ni BBM ngayon sa pinagsamang sesyon ng dalawang kapulungan, Senado at House of Representatives (Kapulungan ng mga Kinatawan), sa bulwagan ng Camara sa Quezon City.
Sa kabuuan, layunin ng SONA na isa-isahin ang mga hangarin na nakamit at hindi nakamit at talakayin ang landas na dapat tahakin sa hinaharap, ani Agay. Ngunit may mahigpit na bilin sa mga mambabatas. Kailangan simple ngunit marangal at focused ang SONA, aniya. Walang red carpet, aniya. Hindi ito fashion show, dagdag ni Agay.
May bilin sa pananamit sa mga babaeng mambabatas, ani Agay. Kailangan simpleng Filipiniana ang motif ng damit bilang kalatas ang temang Filipino kontra sa pangangamkam ng China sa ating mga teritoryo at pagtaguyod ng diwa ng pagkakaisa sa gitna ng maraming suliranin at krisis ng bansa.
Nang tanungin namin kung ano sa opinyon niya ang malaking ambag ni BBM sa kasaysayan ng bansa, binigyan puri ni Agay ang kakayahan ni BBM na mamahala at manguna sa mga krisis ng bansa. Nagawa niyang pakilusin ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan bilang isang ahensiya upang harapin at tugunan ang maraming suliranin ng bansa.
“Lahat sinasabi, it should be simple but dignified, at iyan po ang sinusundan,” aniya. “Talagang iyong reminder po sa amin: wear simple attire, Filipiniana attire. Iyon lang po iyong naging directive para manatili iyong focus doon sa pinaka-agenda po ng SONA,” aniya.
Hihintayin ng Camara ang paglalagom ni BBM sa huling apat na taon ng termino at ang mga polisiya na hihingin niya sa Kongreso na ipasa bilang batas, ani Agay. “We are awaiting, of course, for the vision that will be set out by our President. We are here to make sure that the priorities of our President, the agenda of our President, ay suportahan po natin ng mga kinakailangang batas,” aniya.
Ayon sa kanya, nagpasa ang Camara ng 26 sa 52 panukalang batas. Kasama sa mga prayoridad na panukalang batas ang Right to Information Act at ang panukala kontra dinastiya pulitika sa bansa. May mga nakasalang na panukala sa nutrition, education, tertiary assistance, teachers’ welfare, classroom construction, at pagpapalakas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ani Agay.
***
KAHIBANGAN ang panukala ng isang abogado na mukhang taong grasa na sumabak si Camoteng Robin sa halalang pampanguluhan sa 2028. May pasubali ang tuko, mamanukin at ilalaban si Camote kung sakaling ideklara ng Senate impeachment court (SIC) na guilty si Misfit Sara sa mga paratang sa kanya, alisin sa kasalukuyang puwesto bilang pangalawang pangulo, at diniskuwalipika na tumakbo sa anumang halalan sa hinaharap.
Bagaman nanguna sa halalan ng mga senador noong 2022, hindi namin alam kung makukuha ni Camote ang suporta ng mga batayang sektor ng lipunan. Palaging palpak kasi ang lumalabas sa kanyang bibig. Nililibak siya at pinagtatawanan sa kanyang mga sinasabi. Kunsabagay, tanging ang abogado niya na si “Tuko” ang nagsusulong ng kanyang kandidatura. Nanghihilakbot at hindi natutuwa ang mga ibang nakarinig. May kahalong pandidiri sa panukala na patakbuhin siya sa panguluhan sa 2028.
***
BIGLANG tahimik si Alan Bitter Cawatano ng pakawalan ni Ping Lacson ang impormasyon sa kalokohan na hawak niya kontra kay Cawatano. Ayon kay Ping, maaari niyang ibigay sa Office of the Ombudsman ang mga impormasyon at katibayan ng mga kalokohan ni Cawatano sa Taguig City lalo na iyong mga ghost project umano sa flood control. Hindi namin alam kung magkano ang kabuuang halaga ngunit may balita na abot ito sa P2 bilyon.
Walang masabi si Cawatano kundi pagbintangan si Ping na hinaharang ang kandidatura niya sa 2028. Diyos Mahabagin! Mukhang wala sa hulog si Cawatano at kung ano ano na lang ang sinasabi. Nawala ang hinahon at linaw ng pag-isip. Pumalit ang kahibangan. Sino siya para ituring ang sarili bilang isang seryosong kandidato sa 2028?
***
MGA PILING SALITA: “Hidilyn’s gold has overshadowed the madman’s last SONA. Poetic justice? Yes. A lady has emerged as toast of the nation.” – PL, netizen, kritiko na nagsabing mas makabuluhan sa SONA ni Gongdi ang napanalunang gintong medalya ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics
“When it rains, it floods.” – Jay Cayuca, netizen, concert violinist
“What is being awaited by every Filipino in the President’s SONA is his message of national purpose. We can’t be a nation of driftwoods, being carried by the currents to nowhere. The President has to instill in us a national vision. And we will keep on hoping that the incumbent President fully knows and understands the magnitude and profundity of spelling out the national purpose. We hope the President can lead us to new heights.” – PL, netizen, kritiko