Advertisers
ISANG lalaking siklista na nagising sa ambulansiya nang may mga sugat at nawawalan na ng helmet ang humihiling ng tulong sa barangay authorities ng Paranaque at posibleng mga saksi na makapagbibigay ng impormasyon ukol sa kung ano ang nangyari sa kanya.
Ayon kay Zoltan Trou Eraño, naganap ang aksidente July 30, 2026 sa pagitan ng 5:30 at 6 p.m. sa may Lopez Hypermarket sa Parañaque.
Binabagtas umano niya ang bike lane sa tapat ng Silverio San Isidro upang magdala ng ilang gamit para sa kapatid niya sa Sampaloc, Parañaque, nang bigla siyang nawalan ng malay at nang magising ay nasa loob na ng ambulansiya, nang hindi alam kung paano siyang nagtamo ng mga sugat at kung saan napunta ang kanyang helmet.
Di umano alam ni Eraño kung nabundol siya ng sasakyan dahil sa mga sugat niyang tinamo kaya’t nananawagan siya sa sinumang motorista o indibidwal na may CCTV o dash cam recording upang malaman niya kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya.
Sinabi umano ng isang traffic enforcer na nagkaroon siya ng ‘self accident’ ngunit di siya naniniwala.
“Hindi po ako naniniwala since may mga bitbit at mabigat po ang dala ko na gamit kanina habang nagba-bike. Imposible po na mabilis po ang takbo ko sa bisikleta ko,” aniya.
Samantala pinasalamatan ni Eraño ang mga tumulong sa kanya, lalo na ang mga mag-aaral ng Olivarez College na nagbigay diumano ng first aid.
“Hindi ko na po nakita mga mukha n’yo kanina pero maraming salamat po ako sa Panginoon sa buhay n’yo dahil sa first aid na ginawa ninyo. Pasensiya na po hindi ko kayo mapasalamatan kasi wala po akong malay kanina salamat po sa inyo nang marami,” aniya. (JERRY S. TAN)