Advertisers
Nagulat ang isang residente sa Asipulo, Ifugao matapos mamataan sa kanilang bakuran ang isang ibong tila may sugat at duguang dibdib. Ang video ng naturang ibon ay agad na umani ng atensyon sa social media.
Ayon kay Joan, na nagbahagi ng video, inakala niyang isang kalapati ang may tama sa dibdib dahil sa matingkad na pulang marka nito. Nguni’t kalaunan ay napag-alamang hindi sugatan ang ibon, kundi isa itong Luzon bleeding-heart pigeon (Gallicolumba luzonica), isang uri ng kalapating matatagpuan lamang sa Pilipinas.
Kilala rin sa pangalang Puñalada o Paloma Puñalada ang ibig sabihin ay Stabbed Pigeon, ang ibon ay may pulang balahibo sa dibdib na mistulang sugat na dumudugo. Mailap ito sa tao at mas pinipiling magkubli kaysa lumipad kapag nakakaramdam ng panganib.(Jeshren Vargas – OJT)