Advertisers

Advertisers

ISKO SA MERALCO: 12,000 SIRANG POSTE, TANGGALIN NA!

0 5

Advertisers

Inatasan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang Meralco na agad alisin at ayusin ang lahat ng hindi na magamit na mga poste ng kuryente sa buong Maynila, matapos matukoy ng pamahalaang lungsod na mahigit 12,000 poste ang may problema—mahigit 6,000 ang sira at mahigit 6,000 ang nakahilig.

Sa isinagawang consultative meeting kaugnay ng isyu ng systems loss charges, sinabi ni Moreno na walang lugar ang dapat unahin o isantabi. Aniya, lahat ng mga sirang poste na natukoy sa pamamagitan ng ArcGIS mapping ng lungsod ay dapat tugunan ng Meralco.

Nauna nang naitala ng City Hall ang mahigit 33,000 poste ng kuryente sa Maynila, kung saan libu-libo ang napag-alamang hindi na ligtas o hindi na maayos ang kondisyon.



Bilang tugon, nangako ang mga kinatawan ng Meralco na bibilisan ang pagtanggal ng mga abandonado o hindi na ginagamit na poste at magsusumite ng iskedyul kung kailan matatapos ang clearing operations.

“Maaaring may mga pagkukulang noon, pero sinisikap nating itama ito ngayon at sa hinaharap. May kaibigan kayo sa City Hall,” pahayag ni Moreno sa mga opisyal ng Meralco.



Tiniyak din ng alkalde na poprotektahan ng Manila Police District (MPD) ang mga tauhan ng Meralco na nagsasagawa ng operasyon laban sa ilegal na koneksyon sa kuryente.

“Ang mga ito ay nagtatrabaho lang. They’re doing their job. They should not be put in harm’s way,” ani Moreno.



Sa pulong, ibinunyag din ng Meralco na may ilang opisyal ng barangay na umano’y gumagamit ng ilegal na koneksyon sa kuryente at may mga pagkakataong hinaharang o inaantala pa ang kanilang anti-pilferage operations.

Dahil dito, nangako ang pamahalaang lungsod na makikipag-ugnayan muna sa mga kinauukulang barangay bago magsagawa ng operasyon upang maresolba ang mga isyu sa access at right-of-way.

Iniutos din ni Moreno ang pagbuo ng isang real-time coordination channel sa pagitan ng Manila City Government, MPD, at Meralco upang mapabilis ang komunikasyon at koordinasyon sa mga operasyon.(BP)