Advertisers
BAGO ang lahat, muli nating binabati ang ating buong “pamilya” sa ‘Police Files Tonite,’ sa pangunguna nina ‘Boss Joey’ at Kumareng Lenie, sa pagpasok ng ika-23 anibersaryo nito.
Parang kailan lang na isang ‘struggling newspaper’ ang Police Files na lakas-loob nakipagsabayan noon sa mas malalaking diyaryo pero ngayon ay isa sa mga natitirang “matatag” na pahayagan na hindi “pinatumba” ng ‘Internet’ at ‘social media’– habang ang karamihan sa mga kasabayan nito ay nagsarado na.
Mabuhay ka Boss Joey at Kumareng Lenie! Panibagong 23 years ulit sa ating lahat!
***
Dapat lang “seryosohin” ng mga “pasaway” sa Bureau of Customs ang inilabas na “paalala” ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno hinggil sa kanyang ‘One-Strike Policy’ kung saan ang sino mang opisyal o kawani na sasabit sa smuggling at iba pang katiwalian ay hindi lang masisibak sa puwesto, bagkus masasampahan din ng mga kasong kriminal at administratibo.
Napapanahon ang babala ni Comm. Ariel, Finance Secretary Frederick Go, dahil alam mo bang maraming “iligalista” ang “naglalaway” at nag-iisip ng paraan kung paano “dudugasin” ang bilyones na halaga ng mga sigarilyo na nakumpiska ng Customs sa ilalim ng liderato ninyong dalawa?
Sa ating naging pagsubaybay sa mga operasyon ng BOC sa kasalukuyan, “payat” ang higit P25 bilyon na halaga ng mga kumpiskadong sigarilyo na “nakatengga” ngayon sa iba’t-ibang ‘collection districts’ sa buong bansa.
At siyempre, hindi mangyayari ang malansang plano na nakawin o palitan ng mga bulok na yosi ang mga nakumpiska kung walang partisipasyon ang mga nalalabi pang korap sa BOC.
Uulitin natin na sadyang mabait, mahinahon, malawak ang pang-unawa, at magaling makisama si Comm. Ariel. Pero, hindi ito “lisensiya” na puwedeng abusuhin para gumawa ng katarantaduhan sa trabaho.
Para kasi sa kanya, ang pagsuway sa kanyang utos ay isang personal na “insulto” na hindi niya palalampasin. Translation? Sa lahat ng ayaw niya ay yung “nakakalalaki” ang kaharap niya.
Mas mainam “alalahanin” ng mga korap sa BOC ang sinapit ng ilan nilang mga dating opisyal na nasibak sa puwesto kahit pa nga “bata” ng ilang mga opisyal sa Palasyo.
Kaya kung ayaw ninyong mapasama sa listahan ng mga “minalas” sa Aduana, huwag na ninyo siyang subukan, hane? Abangan!