Advertisers

Advertisers

5 ILEGAL ALIEN SA NORTHERN LUZON, INARESTO NG BI INTEL OPERATIVES

0 5

Advertisers

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang limang dayuhan sa isang serye ng intelligence-driven operations na isinagawa sa buong Northern Luzon mula Hulyo 30 hanggang 31.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naarestong dayuhan na sina Sahil Kumar, 23-anyos na Indian national, 29-anyos na Indian na si Sharendran Doss Devadoss, 39-anyos na Chinese national na si Huang Pengpeng, at dalawang South Korean national na kinilalang sina Jin Su Deok, 51-anyos at Oh Eiseok-old, 49-anyos. Sila ay nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Nueva. Ecija, Bulacan, Zambales, at Pampanga.

Inaresto si Kumar sa Cabanatuan City, Nueva Ecija matapos maberipika ng BI intelligence operatives na overstay na siya sa bansa at hindi nakapagpakita ng valid passport o immigration document. Sinabi rin ng mga residente sa lugar na siya ay nasangkot sa isang ilegal na negosyong “5-6” na pagpapautang.

Samantala, nahuli si Devadoss sa Balagtas, Bulacan matapos mabigong magpakita ng anumang valid passport o immigration documents sa panahon ng verification.

Sa Subic, Zambales, inaresto ng mga operatiba ng BI si Huang matapos lumabas sa verification na nanatili siya sa bansa lampas sa kanyang awtorisadong pananatili.

Sa isang hiwalay na operasyon sa Angeles City, Pampanga, inaresto ang mga South Korean national na sina Jin at Oh matapos silang mahuli na aktibong namamahala sa isang restaurant sa kabila ng kawalan ng kaukulang visa at working permit. Nabigo rin ang dalawa na magpakita ng valid immigration documents nang inspeksyon ng mga operatiba ng BI.

Lahat ng limang dayuhan ay dinala sa pangunahing tanggapan ng Bureau sa Maynila para sa booking, dokumentasyon, at pagsisimula ng mga paglilitis sa deportasyon. (JOJO SADIWA)