Advertisers
Sapat na ba ang dalawang buwan para maging batayan kung naging matagumpay ang kampanya ng isang distrito ng pulisya laban sa kriminalidad at ilegal na droga sa kanilang area of responsibility?
Masasabing hindi sapat dahil ang unang dalawang buwan ng pagtatalaga sa isang opisdyal sa posisyon ay itinuturing na panahon pa rin ng pagtataguyod ng direksyon, estratehiya, at disiplina.
Si P/Brig. Gen. Melecio M. Buslig, Jr. ay may dalawang buwan nang naupo bilang Acting District Director ng Eastern Police District (EPD). Hunyo 1, 2026, nang ipagkatiwala sa kanya ang EPD, ngunit sa kabila ng pagkakaupo pa lamang ni Buslig ay kapansin-pansin ang ipinakitang sigla at bilis ng distrito sa pagpapatupad ng kanilang mga operasyon sa pamamagitan ng kanyang flagship program na “SHIELD”.
Sa nakalipas na 60 araw (Hunyo 1 hanggang Hulyo 31), hindi maikakaila ang malaking tagumpay ng EPD laban sa mga organisadong kriminal at ilegal na droga. Subalit, sa kabila ng mga matagumpay na operasyon ay may isang mahalagang katotohanan na nararapat na harapin ni Buslig sampu ng kanyang mga opisyal at tauhan. Ano iyon?
Base sa ulat ng EPD, lumalabas na – ang isa sa katotohanan ay masyadong manipis ang pagbaba ng pangkalahatang krimen sa AOR ng distrito. Ganoon ba? Kung kaya ay kailangan pang paigtingin pa ng EPD ang pagpapatupad ng kanilang programa laban sa kriminalidad. ‘Ika nga, huwag munang magbunyi ang EPD o ipagmalaki na napagtagumpayan na ng pulisya ang giyera laban sa droga at kriminalidad.
Kung ang pag-usapan ay ang pagsugpo sa mga banta sa kalsada, naging matagumpay at walang-atubili ang pag-atake ng EPD sa ilalim ng estratehiyang SHIELD. Ilan sa mga accomplishment ng distrito ay ang paglansag sa PAPS Carnapping Group sa Marikina; pagkaaresto sa limang miyembro ng Gapos Gang na nagpanggap na pulis, at ang pagkabuwag sa commuter robbery group sa Pasig.
E paano naman ang kampanya laban sa ilegal na droga? Nakapagtala naman ang EPD ng 239 na operasyon na nagresulta sa pagkaaresto ng 282 indibidwal at pagkakasamsam ng humigit-kumulang ?2.87 milyong halaga ng shabu, marijuana, at kush. Hayun naman pala e, sa halagang ito – maraming kabataan ang nailigtas sa tiyak kapamahakan. Congratulations EPD.
Wanted persons naman tayo – may 92 Most Wanted Persons (50 Top MWP) ng nadakip habang 404 na iba pang may atraso sa batas ang inaresto. Samantala, para naman masabing marami-rami din ang nadakip ng EPD sa nagdaang dalawang buwan, nakapagtala ang distrito ng pagkaaresto sa 35,140 indibiduwal sa paglabag sa city ordinance para sa ilalim ng Safer Cities Initiative, na nagpapakita ng mahigpit na pagbabantay sa mga komunidad.
Balikan natin ang hinggil sa masyadong manipis na pagbaba ng krimen sa pangkalahatan. Sa ayaw at sa gusto ng EPD, talagang napakanipis ng pagbaba ng volume ng krimen sa lugar kaya, huwag muna silang magbunyi. Kung sabagay, dalawang buwan pa lang naman ang pagbasehan.
Sa kabila ng mga kapuri-puring matagumpay na operasyon, ang naitalang pagbaba ng crime volume na 32 insidente lamang – mula 1,185 sa naunang dalawang buwan (Abril at Mayo) patungong 1,153 ngayong Hunyo-Hulyo ay napakaliit na porsyento para sa apat na malalaking lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan.
Kung suriin, ang ganitong kanipis na pagbaba, isa itong malinaw na babala sa EPD upang kumayod pa para sa seguridad ng mamamayan ng PaMaMariSan. Lumalabas kasi na buhay na buhay pa rin ang banta ng kriminalidad sa kalsada.
Kahit pang sabihin na marami nang nadakip sa mga anti-illegal drug operations at manhunt, ang pang-araw-araw na seguridad ng karaniwang mamamayan—ang lakaran sa gabi, ang biyahe ng commuter, at ang kaligtasan ng mga kabahayan kung saan iyo ay nangangailangan pa ng mas matinding pagsusumikap. Hindi pa panahon upang magrelaks ang EPD bagkus, kailangan pang paigtingin ng pulisya ang kanilang kampanya para may ipanglaban sa pagpilit ng Best District Police sa National Capital Region (NCR). At siyempre, ang pinag-uusapan dito ay para sa seguridad at kapakanan ng mamamayan.
Infairnes naman – epektibo ang estratehiyang SHIELD ni Buslig sa pagpapatama sa mga malalaking kriminal at sa pagsamsam ng ilegal na droga sa Unang 60 Araw ng kanyang pamumuno. Nararamdaman ang aksyon at may malinaw na direksyon ang distrito.
Ops… sino naman itong alyas Jigs at alyas Manuela na tumatarandado sa SHIELD ng EPD? Abangan!