Advertisers
IGINIIT ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, asawa ni dating Committee on Appropriations chairperson Stella Quimbo na siyang namuno sa pagbuo ng 2025 national budget, na walang masama sa flood control projects kaya dapat itong patuloy na pondohan ng gobyerno para hindi malunod sa baha ang publiko.
“Sa maiksing salita flood control by itself is not necessarily bad. But it is how you implement it,” wika ni Quimbo sa isang ambush interview.
Aniya, ang aral na nakuha sa mga nakalipas na pagbahang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay patuloy na pondohan ang flood control projects.
“So yan ang lesson natin dito, is we need to keep funding flood control,” dagdag pa niya.
Idinagdag din ni Quimbo na walang mali sa insertions sa pambansang budget dahil ito’y bahagi ng proseso. Aniya, kailangan lang na hindi ito itago at dapat ilantad kung sino ang naglagay.
Subalit magugunitang ang asawa niyang si Stella ay nagsilbing Committee on Appropriations at naging bahagi ng tinatawag na “small committee,” kung saan iniulat na naganap ang umano’y mga insertions sa 2025 national budget ukol sa maanomalyang flood control projects.
Hanggang ngayon, hindi pa rin inilalabas ang mga detalye ng mga nangyaring insertion sa small committee.
Kamakailan, inakusahan si Stella Quimbo ng dalawa sa 18 dating Marines na nagsilbing tauhan ni Co na tumanggap ito ng ilang maletang puno ng pera galing sa kickback mula sa flood control projects.
Ayon kina Belnard Tube at Benny Bulontate, sinabi nilang nagdala sila ng pera sa bahay ni Quimbo.
Upang suportahan ang kanilang alegasyon, nagbigay sila ng larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta na inihatid sa bahay ni Quimbo.
Sinabi ng dalawa na bawat malaking maleta ay naglalaman ng humigit-kumulang P50 milyon hanggang P70 milyon, habang ang maliit na maleta ay may P15 milyon hanggang P25 milyon.