Advertisers

Advertisers

Anti-Hospital Detention Act lusot na sa Senado

0 1

Advertisers

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1511 o ang Enhanced Anti-Hospital Detention Act, na naglalayong palakasin ang proteksyon sa mga pasyente at kanilang pamilya laban sa pagpigil sa ospital dahil sa hindi pa nababayarang bayarin.

Labing-walong senador ang bumoto pabor sa panukala, walang tumutol, habang si Sen. Panfilo Lacson lamang ang nag-abstain dahil isa siya sa mga founding member ng isang ospital sa Cavite.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 9439 o ang batas na nagbabawal sa mga ospital at klinika na tumangging mag-discharge ng mga pasyenteng hindi kayang bayaran ang kanilang pagpapagamot.



Pinalawak ng SB 1511 ang sakop ng proteksyon upang isama hindi lamang ang mga pasyente kundi maging ang kanilang mga kamag-anak, kinatawan, caregiver at mga bagong silang na sanggol na maaaring pigilan dahil sa hindi nabayarang hospital bills.

Mas pinatitibay din nito ang mga patakaran sa pagpapalabas ng mga labi ng namatay na pasyente kahit may hindi pa nababayarang obligasyon.



Itataas naman ang parusa sa mga opisyal o empleyado ng ospital na responsable sa ilegal na pagpigil mula P100,000 hanggang P300,000 na multa, o pagkakakulong nang hanggang dalawang taon at apat na buwan.

Para naman sa hospital directors o officers na nagpapatupad ng isang umiiral na polisiya ng ilegal na pagpigil, maaaring umabot sa P500,000 hanggang P1 milyon ang multa at apat hanggang anim na taong pagkakakulong.



Kapag umabot sa tatlong ulit ang paglabag sa ilalim ng naturang polisiya, maaari ring bawiin ang lisensya ng ospital para makapag-operate.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, pangunahing may-akda at sponsor ng panukala, layunin nitong balansehin ang karapatan ng mga pasyente at ang karapatan ng mga ospital na legal na maningil ng kanilang mga lehitimong bayarin.

Nilinaw din ng senador na hindi kinakansela ng panukala ang utang ng pasyente. Maaari pa ring maningil ang ospital sa pamamagitan ng mga legal na paraan.

Para sa mga pasyenteng walang kakayahang magbayad, maaaring gumamit ng promissory note na maaaring suportahan ng mortgage, guaranty, deed of assignment ng SSS o GSIS loan proceeds o benefits, at guarantee letters mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Social Welfare and Development o Department of Health.

Para naman sa kwalipikadong indigent patients, kailangan pa rin ang kaukulang assessment at endorsement at sapat na guarantee letter mula sa DOH o DSWD.

Kasama rin sa panukala ang mas mahigpit na transparency sa healthcare costs at billing at tahasang pagbabawal sa mga nakatagong o hindi awtorisadong singil. (Mylene Alfonso)