Advertisers
DINAKIP ng mga opera-tiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa kanilang mga kabaro matapos ireklamo ng pangingikil sa mga negosyante sa Mindanao.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isang confidential agent ng NBI ang dinakip, na umano’y naglilibot sa Mindanao at nagsasabing sumusunod siya sa utos ng Direktor na mangolekta ng “protection money” mula sa iba’t ibang indibidwal at negosyo.
Ayon kay Matibag, naglunsad ang NBI ng entrapment operation nang makatanggap ng reklamo mula sa isang mataas na opisyal ng gobyerno sa Mindanao.
“May mga nagpapakilala siya sa NBI. At totoo naman, isa siyang empleyado ng NBI, job order siya at nag-iikot sa Mindanao, may mga pinapaikot na sinasabi na utos ng director para magkolekta ng iba’t ibang halaga doon sa mga tao.”
Ayon sa inisyal na impormasyon na nakarating kay Matibag, ang suspek ay nakakolekta na ng humigit-kumulang P1.7 milyon.
“Yung report sa akin una, P1.7 million na ‘yun ang kokolekta eh. Na yun daw, pinapakolekta daw ng director. Eh, P1.7 million. So, wala po tayong inutusan na ganyan.”
Nagbabala ang hepe ng NBI sa publiko laban sa mga indibidwal na maaaring gumamit ng kanyang pangalan o ng mga NBI para sa pinansyal na pakinabang.
“Panawagan ko sa mga tao, kapag may gumamit po ng pangalan ng NBI at ng pangalan ko bilang director, para magkaroon ng financial advantage, ipagbi-gay-alam niyo po sa amin at huhulihin po namin ito.”
Ayon kay Matibag, ang iskandalong ito tila matagal nang nangyayari, kungsaan ang naarestong empleyado ay gumagamit ng ibang tao sa Mindanao para mapadali ang pangongolekta.
Ayon sa NBI, mahaharap ang “kolektong” sa mga kasong robbery extortion, usurpation of authority, at illegal possession of firearms.
Naaresto rin ang kaniyang drayber.
Pinayuhan din ng ahensya ang mga negosyo at indibidwal na agad iulat ang sinumang nangongolekta ng pera o humihingi ng pera sa ngalan ng NBI o ng Direktor nito.