Advertisers

Advertisers

LEPTO CASES SUMIPA SA MAYNILA: 89 KASO, 5 PATAY!

0 4

Advertisers

Nag-utos si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ng mas agresibong kampanya laban sa leptospirosis, kabilang ang pagpunta ng health workers sa mga komunidad upang hanapin ang mga residenteng nalantad sa baha, sa halip na hintaying magtungo ang mga ito sa health center.

Ito ang direktiba ng alkalde nitong Miyerkules, Agosto 26, kasunod ng matinding pagtaas ng kaso matapos ang pagbaha dulot ng habagat.

Bago ang kanyang “Talk to the People” Facebook livestream, nagpatawag si Domagoso ng emergency meeting kasama si OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla at mga direktor ng pitong district hospital upang talakayin ang pagdami ng kaso at tugon ng lungsod.



89 bagong kaso sa isang araw

Aabot sa 89 bagong kaso ng leptospirosis ang naitala sa Maynila noong Agosto 26—mula sa 38 kaso noong Agosto 25, 16 noong Agosto 24, 10 noong Agosto 23, 11 noong Agosto 22, 22 noong Agosto 21 at 11 noong Agosto 20.



Umabot na sa 197 ang bagong kaso ngayong linggo, habang lima na ang namatay—isa noong Agosto 24, dalawa noong Agosto 25 at dalawa noong Agosto 26.

Ayon kay Domagoso, maaari pang tumaas ang bilang dahil umaabot sa dalawang linggo ang incubation period ng leptospirosis. Posibleng ngayon pa lamang makaranas ng sintomas ang mga nalantad sa baha noong Agosto 17–18.



389,000 doxycycline capsules, nakahanda

Mayroon nang 389,000 kapsula ng doxycycline na maaaring gamitin sa buong lungsod, matapos makatanggap ang Maynila ng karagdagang suplay mula sa pribadong sektor at Department of Health.

Hinimok ang mga residenteng nalantad sa baha na agad kumonsulta sa alinman sa 44 health center o pitong district hospital upang mabigyan ng kinakailangang gamot nang libre.

Ospital, nagsisiksikan

Iniulat din ng alkalde na 69 pasyente ang nasa emergency room ng Ospital ng Maynila noong Miyerkules ng umaga, kahit 40 lamang ang bed capacity nito.

Dahil dito, ini-activate ang Manila Infectious Disease Control Center sa Santa Ana Hospital, na may 17-bed capacity para sa mga pasyenteng may leptospirosis.

Inatasan din ang mga city hospital na magbukas ng karagdagang ward para maibsan ang siksikan sa emergency room.

Bantayan ang sintomas

Kabilang sa mga sintomas na dapat bantayan ang:

lagnat;
matinding pananakit ng ulo;
pananakit ng kalamnan; at
pamumula ng mga mata.

Pinayuhan ang publiko na agad magpakonsulta kapag nakaranas ng mga sintomas, lalo na kung nalantad sa baha, at iwasang mag-self-medicate.

Samantala, inatasan ni Domagoso ang mga health center na aktibong maghanap sa mga residenteng maaaring nalantad sa baha, palakasin ang information campaign at magsumite ng daily situation report upang masubaybayan ang patuloy na pagtaas ng kaso. (BP)