Advertisers
Nanawagan ang mga hog raisers at pork producers sa pamahalaan na ibalik ang dating mas mataas na taripa sa imported pork at higpitan ang pagbebenta ng karne upang maprotektahan ang lokal na industriya at kalusugan ng mga mamimili.
Sa isinagawang Pork Producers Town Hall Meeting and Solutions Seminar sa Four Seasons MOA Seaside sa Pasay City nitong Miyerkules, iginiit ng Agricultural Sector Alliance Partylist (AGAP), Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PROPORK) at Philippine Pork Council Alliance Inc. ang pangangailangang tugunan ang umano’y “over importation” ng baboy.
Ayon sa grupo, umabot sa 891 milyong kilo ang imported pork noong 2025, mula 610 milyon kilo noong 2023 at 774 milyon kilo noong 2024. Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nasa 455.3 milyong kilo na ang naitalang imported pork.
Hinikayat nila ang gobyerno na ibalik ang dating 30% in-quota at 40% out-quota tariff rates mula sa kasalukuyang 15% at 25%, upang mabawasan ang pagdagsa ng imported pork at maprotektahan ang lokal na hog industry.
Hiniling din ng grupo ang agarang pagpapatupad ng Republic Act No. 12308 o Animal Industry Development and Competitiveness Act, gayundin ang pagpapatuloy ng pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF).
Kasabay nito, pinuri ni AGAP Partylist Cong. Nikki Briones ang mga pulis, patrolmen, veterinarian at iba pang tauhan ng pamahalaan na tumulong sa pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022). Katuwang niya sina Fritz Chua at Rolando Tambago ng Philippine Pork Alliance Inc. at Eric Harina ng PROPORK sa pagbibigay ng pagkilala sa mga ito.
Layunin ng pagkilala na palakasin ang kampanya laban sa bentahan ng unsafe meat at protektahan hindi lamang ang hog industry kundi maging ang mga mamimili.
Noong Mayo, nakumpiska ng PNP Marikina ang humigit-kumulang 20 tonelada ng expired frozen meat na nagkakahalaga ng P4 milyon, habang 286 kilo naman ng frozen pork na umano’y ilegal na ibinebenta online ang nasamsam sa Lipa City noong Hulyo.
Ayon sa pork producers, mahalaga ang mahigpit na inspeksiyon at tamang storage ng karne upang maiwasan ang panganib sa kalusugan. Panawagan nila: “Buy local” upang makatulong sa lokal na industriya at matiyak ang mas ligtas na pork sa hapag ng mga Pilipino.