Advertisers
MAS maraming Pilipino ang umaasang mapatunayang may sala si Vice President Sara Duterte kaysa mapawalang-sala sa impeachment trial nito, batay sa bagong pambansang survey ng PUBLiCUS Asia, habang nakatuon ang prosekusyon sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga asset na hindi idineklara.
Batay sa PAHAYAG Third Quarter 2026 survey na isinagawa mula Oktubre 1 hanggang 4, 2026, 44 porsiyento ng mga rehistradong botanteng Pilipino ang umaasang mapatunayang may sala si Duterte, kumpara sa 31 porsiyentong naniniwalang mapawawalang-sala siya — may agwat na 13 percentage points.
Samantala, 25 porsiyento ng mga respondent ang hindi pa makapagpasya sa magiging resulta ng paglilitis.
Ipinakita rin ng survey ng PUBLiCUS Asia na nananatiling mataas ang interes ng publiko sa impeachment trial ni Duterte, kung saan 65 porsiyento ng mga tinanong ang nagpahayag ng matinding interes sa pagsubaybay sa mga pagdinig.
Sinukat din ng survey ang naging reaksiyon ng publiko sa mga dokumentong pinansiyal, rekord ng pamahalaan at testimonya ng mga saksi na iniharap ng prosekusyon sa halos apat na buwang paglilitis.
Lumabas na nasa 44 hanggang 46 porsiyento ng mga respondent ang naniniwalang sapat ang ebidensiya at testimonya ng mga saksi na iniharap ng prosekusyon, kumpara sa 38 hanggang 40 porsiyentong nagsabing kailangan pang maglahad ng karagdagang ebidensiya.
Gayundin, 45 hanggang 47 porsiyento ang nagsabing nakumbinsi sila ng mga ebidensiyang iniharap sa ngayon, habang 37 hanggang 38 porsiyento naman ang nananatiling hindi kumbinsido.
Isinagawa ang survey sa 1,581 rehistradong botanteng Pilipino bago nagpasya ang prosekusyon na ituon ang impeachment case sa usapin ng hindi maipaliwanag na yaman.
Iginiit ng prosekusyon na sapat na ang mga ebidensiyang pinansiyal na iniharap upang patunayan ang mga paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Nauna nang sinabi ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro sa impeachment court na itinuturing ng prosekusyon na matibay at mapanghikayat ang kanilang mga ebidensiya upang bigyang-katwiran ang pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto.
Nasa sentro ng natitirang impeachment charge ang pagsusuri sa pananalapi na isinagawa ng forensic analyst na si Atty. Alexander Cabrera, na tumukoy sa tinatayang ?817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Cabrera na konserbatibong pagtataya lamang ang nasabing halaga at maaari itong umabot sa humigit-kumulang ?1.5 bilyon kapag gumamit ng mas malawak na pagsusuri sa pananalapi.
Ibinatay ang kanyang mga natuklasan sa mga rekord ng pananalapi, dokumento sa buwis, corporate filings at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na nagbunsod ng mga katanungan hinggil sa pagkakatugma ng idineklarang yaman ng mag-asawa at ng kanilang iniulat na mga transaksiyong pinansiyal.
Iniharap din ng prosekusyon ang mga impormasyong pinansiyal na nakuha mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at mga institusyong pampinansiyal bilang bahagi ng pagsisikap nitong matukoy ang pinagmulan at lawak ng yaman ng mag-asawa.
Para sa prosekusyon, ang pangunahing usapin ay kung lubos at tapat na idineklara ni Duterte ang kanyang mga ari-arian at interes sa pananalapi, at kung maipapaliwanag ang kanyang iniulat na yaman batay sa mga lehitimong pinagkukunan ng kita.