Advertisers
DINIS-ARMAHAN at pansamantalang inalis sa kanilang regular na tungkulin ang dalawang pulis sa Cagayan de Oro City habang iniimbestigahan ang umano’y harassment sa dalawang babaeng criminology interns.
Ang mga sangkot na pulis—isang police captain at isang police corporal—ay nakatalaga sa Police Station 7 sa Barangay Bulua, kungsaan naiulat na nangyari ang insidente Agosto 8.
Parehong 21-anyos ang dalawang intern na nagsasagawa ng kanilang training sa himpilan.
Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inilagay ang dalawang pulis sa Personnel Holding and Accounting Section ng Cagayan de Oro City Police Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“We take these allegations seriously,” ani Nartatez, sabay pangakong magiging patas at walang panghihi-masok ang pagsisiyasat at maaaring magsampa ng administrative at criminal charges kung mapatutunayan ang mga paratang.
Inatasan din ang Police Regional Office 10 at PNP-Internal Affairs Service na magsagawa ng imbestigasyon at tiyaking mapapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable.
Naglagay narin ng safeguards ang PNP upang maprotektahan ang dalawang intern laban sa posibleng pananakot o retaliation habang dinidinig ang reklamo.