Advertisers

Advertisers

Mga mandarambong, magsisi’t manalig na

0 4

Advertisers

Ito na ang tamang panahon upang pagsisihan niyo ang ginawa niyong kabalastugan sa bansa at taumbayan.

Dapat na rin kayong manalig sa Poong Maykapal na tila tinatapik na kayo sa sarili niyang paraan.

Mukhang pinaparamdam na sa inyo ng Maykapal ang kanyang buwelta bunga ng inyong kinulimbat na pera sa pondo ng bayan.

Ang bilyong pisong pinaghatihatian niyo para sa sarili niyong interes kapalit ang sakripisyong dinadanas ng inyong mga kababayan.

Samantalang alam na alam niyo naman na ang inyong ninakaw na pera ay pondo para sa flood control project ng gobyerno upang maibsan ang PROBLEMA SA BAHA sa maraming lugar.

Ang tanong ay kung masaya ba ang mga MANDARAMBONG na ito na kinabibilangan ng mga kontratista, mga enhinyero, mga cabinet secretary at ilan mga politiko.

Impossible dahil bagama’t umaapaw sa pera ang inyong mga bulsa ay siguradong inuusig naman araw gabi ang inyong mga budhi at konsensiya.

Siguradong hindi kayo pinapatulog ng mahimbing sa araw-araw lalo na sa bawat pag-ulan at pagbaha na kasalukuyang nangyayari sa bansa.

Kayo dapat ang mag-resolba ng PROBLEMA SA BAHA na matagal na ring problema ng mga lumipas na administrasyon, ANYARI?

Wala man magawang aksiyon sa inyo ang taum-bayan dahil sa dami ng inyong pera, koneksiyon at kapangyarihan, siguradong hindi kayo lulusot sa lupit ng kalikasan na siyang using sa inyo habang panahon.

Siguradong ramdam niyo rin ito, ‘di po ba?

Mantakin niyo ang sunod-sunod na pagpasok ng bagyo sa ating bansa, hindi pa lumalabas ang isa ay may kasunod na agad.

Ang tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng matinding baha na walang iniwan kundi mga bangkay ng kapuwa niyo Pilipino.

Hindi man nasawi ay marami ring Pinoy ang nawalan ng bahay, ari-arian at negosyo na inanod ng BAHA.

Huwag na nating hintayin sapitin ang nangyari sa Nepal at Tibet na kung saan maraming mga tao ang nasawi, nawalan ng tirahan at pamilya.

Ito na rin ang tamang panahon upang kayo’y magsisi at MANALIG sa Poong Maykapal.

Dapat din siguro kayong humingi ng dispensa sa taumbayan, ayusin at pasayahin naman kahit konti sa sarili niyong pamamaraan.

Malaking kabawasan ito sa inyong mga atraso at malamang na ma-absuwelto pa kayo sa mata ng Diyos.

Mahirap yatang habang panahon ay uusigin kayo ng inyong konsensiya hanggang sa pagpikit ng inyong mga mata.