Advertisers
INAASAHANG makapaglalabas ng hatol ang Senate impeachment court sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre 16.
Ayon kay Atty. Regie Tongol, spokesperson ng impeachment court, nagkaroon ng pagbabago sa iskedyul ng mga pagdinig dahil kailangang balansehin ng Senado ang impeachment proceedings at ang regular nitong mga tungkulin sa lehislatura.
“Ang tinitingnan po namin kung iko-consume ng lahat po ng mga 30 days na hiningi ng depensa o ng respondent yung kanyang lahat ng mga araw na yun, aabot po tayo ng mga around December 16, mga ganun po,” wika ni Tongol.
“Iyan yung target. Of course, alam naman natin sa targets natin, may reality rin tayo on the ground,” aniya.
“Ngayon po, with the way that the impeachment trial is going on, mas malakas po yung confidence ng ating impeachment court na matatapos to bago mag-holiday recess po ang Senado. So, by December 16 ay magkakaroon na ng final verdict,” patuloy ni Tongol.
Ang pinakahuling pagbabago sa iskedyul ay matapos hilingin ng defense counsel na ipagpaliban hanggang Lunes ang pagharap ng testigo mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), dahilan upang pansamantalang masuspinde ang mga paglilitis.
Sinabi rin ni Tongol na maaaring matapos ng House Prosecution Panel ang kanilang presentasyon ng ebidensya sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Kung matatapos ng prosekusyon sa takdang oras ang presentasyon ng mga kasalukuyang testigo at ebidensya at wala nang idaragdag na iba pang testimonya, maaari itong matapos pagsapit ng Huwebes o Biyernes sa susunod na linggo.
Ipinaliwanag ni Tongol na itinuturing na dalawang session ang buong araw na pagdinig.
Kasunod nito, magkakaroon ng formal offer of exhibits, kung saan ilalahad ng House Prosecution Panel ang lahat ng kanilang documentary exhibits at bibigyan ng pagkakataon ang depensa na magkomento.
Pagkatapos nito, bibigyan ang depensa ng 30 araw upang tumugon sa kaso, na siyang batayan ng tinatayang iskedyul para sa Disyembre 16.
Matatandaang, tinantiya ng impeachment court na maaaring umabot sa Pebrero o Marso ang paglilitis, batay sa pre-trial order. (Mylene Alfonso)