Advertisers
PUMAYAG ang impeachment court ng Senado sa mosyon ng House prosecution panel na bawiin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinagtibay ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero ang mosyon matapos ipahayag ng prosecution panel na hindi na nito itutuloy ang tatlong articles ng impeachment at pananatilihin lamang ang Article II na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth.
Nakatuon ang natitirang article sa umano’y kabiguang ideklara ang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at hindi pag-divest ng mga interes sa negosyo sa kabila ng pagbabawal umano ng Konstitusyon.
Kabilang sa mga binawi ng prosecution panel ang Article I na may kaugnayan sa confidential funds, Article III tungkol sa bribery, at Article IV hinggil sa umano’y assassination plot, grave threats at inciting to sedition laban sa Pangulo.
Nagpasya ang prosecution na huwag nang ituloy ang tatlong artikulo matapos ang isang linggong pagdinig kung saan tumestigo ang mga kinatawan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga opisyal ng bangko at kompanya ng insurance, gayundin ang abogado at accountant na si Alexander Cabrera.
Sa kanilang mga testimonya, inakusahan si Duterte at ang kanyang asawang si Manases Carpio ng umano’y pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman na tinatayang hindi bababa sa P817 milyon at maaaring umabot sa P1.5 bilyon.
Gayunman, ang mga ito ay mga alegasyong inilahad sa impeachment proceedings at hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga ito sa korte. (Mylene Alfonso)