Advertisers
MARIING nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa pangungutya at diskriminasyon sa mga persons with disability o PWD, lalo na sa mga indibidwal na may autism at iba pang neurodevelopmental condition.
Kasunod ito ng kontrobersiyal na episode ng isang podcast na umani ng batikos dahil sa umano’y pangungutya sa mga taong nasa autism spectrum.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, hindi katanggap-tanggap ang paggamit sa kapansanan ng isang tao bilang katatawanan o paraan upang makakuha ng atensyon at engagement sa social media.
Binigyang-diin niyang karapatan ng bawat PWD ang dignidad, paggalang at proteksiyon sa kanilang pribadong buhay.
Sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disabilities o Republic Act 9442, may kaukulang parusa ang mga gawaing pamamahiya, pangungutya o paghamak sa mga PWD.