Advertisers
KASYA o maaari pang sumobra – ang natitirang humigit-kumulang P11 milyon na pondo para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio, ayon kay Senator-Judge at Senate accounts committee chairman Panfilo “Ping” M. Lacson.
Binanggit ni Lacson ang mga datos mula kay Senate President Sherwin Gatchalian na nagpapakitang mahigit P14 milyon na ang nagastos para sa impeachment trial mula sa P25.7-milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA) para sa paglilitis.
Noong Miyerkules, pinabulaanan ni Lacson ang pahayag ni Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ng Bise Presidente, na may P500 milyon umanong “nasayang” sa impeachment trial, at sinabing dapat itama ni Panelo ang kanyang pahayag.
Ani Lacson, maaaring nagka-”honest mistake” si Panelo sa pagtaya nitong “nasayang” ang P500 milyon. Ipinaliwanag niyang ang halagang P25 milyon kada araw ay tumutukoy sa regular na gastusin ng Senado bilang sangay ng lehislatura, at hindi sa mismong gastos sa paglilitis.
Samantala, sinabi ni Lacson na hindi saklaw ng impeachment trial ng Bise Presidente ang mga bagong natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga ari-ariang iniuugnay sa kanya, kaya hindi na maidaragdag ang mga ito sa ebidensiyang maaaring isaalang-alang ng Impeachment Court.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon sa paglilitis ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng Bise Presidente at ilan sa kanyang mga ari-arian, ngunit hindi ang pinakahuling mga natuklasan ng NBI.
Sinabi rin niya na ang anumang karagdagang matutuklasan ng NBI ay maaaring isaalang-alang ng Office of the Ombudsman kaugnay ng posibleng kasong kriminal.
Isinangguni ng NBI sa Ombudsman at Department of Justice ang mga natuklasan nito hinggil sa mga ari-arian ng Bise Presidente. Itinanggi ni Duterte-Carpio na pag-aari niya ang isang lupang iniugnay ng NBI sa kanyang SALN at kinuwestiyon ang paggamit ng ahensiya ng pondo ng bayan para sa imbestigasyon. (Mylene Alfonso)