Advertisers
WALA nang natitirang testigong ihaharap ang prosekusyon sa pagpapatuloy ng paglilitis sa kaso ni Senador Rodante D. Marcoleta at ng kanyang mga kapwa akusado sa Sandiganbayan sa Huwebes, Oktubre 22.
Naubos ang mga testigo ng prosekusyon matapos hindi na kailanganing humarap sa witness stand ang huling dalawa nitong testigo dahil sa mga napagkasunduang stipulations o pagkilala ng magkabilang panig sa ilang katotohanan at dokumento.
Isa sa mga ito si Atty. Cecil F. Federizo, ang notary public na nagnotaryo sa mga deed of donation na sentro ng kaso.
Gayunman, hindi maipaliwanag ng prosekusyon sa korte kung ano ang nais nitong patunayan sa pamamagitan ng testimonya ni Federizo.
Iginiit ni Atty. David Michael O. Gabriel, abogado ni Marcoleta, na hindi maaaring basta piliting tumestigo si Federizo dahil sa attorney-client privilege na nakapaloob sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Ayon kay Gabriel, nagsilbi si Federizo bilang abogado at notaryo ng senador, at dumalo pa sa hindi bababa sa isang pulong ng mga abogado ng depensa.
Dagdag niya, hindi narin kailangan ang testimonya ni Federizo dahil kapwa nang kinilala ng prosekusyon at depensa ang pagiging tunay, wastong pagkakalagda at pagiging awtentiko ng mga deed of donation.
Hindi naman kinatigan ng Sandiganbayan ang argumento ng depensa pagdating sa attorney-client privilege.
Ayon sa korte, hindi maaaring gamiting dahilan ang nasabing pribilehiyo para tuluyang hindi makaharap sa witness stand ang isang testigo. Sa halip, maaari lamang itong igiit kapag may partikular na tanong na may kinalaman sa kumpidensyal na impormasyon.
Pero dito na kinuwestiyon ng mga mahistrado kung bakit kailangan pa ng prosekusyon ang testimonya ni Federizo.
Binigyang-diin ni Justice Ronald B. Moreno na walang nakasaad sa Information o pormal na sakdal na walang bisa o may depekto ang mga deed of donation.
Aniya, hindi maaaring basta kuwestiyunin ng prosekusyon ang bisa ng mga dokumento sa kalagitnaan ng paglilitis kung hindi naman ito bahagi ng orihinal na sakdal.
Paliwanag ng mahistrado, ang mga alegasyong nakasaad sa Information ang pinagbabatayan ng mga akusado sa paghahanda ng kanilang depensa.
Sumagot si Tan na hindi naman kinukuwestiyon ng prosekusyon ang legalidad ng mga deed of donation, kundi nais lamang nitong siyasatin ang mga pangyayari sa likod ng pagkakagawa at paglagda sa mga dokumento.
Tinanong ni Justice Fritz Bryn Anthony M. Delos Santos kung ano mismo ang layunin ng testimonya ni Federizo.
Kinuwestiyon din niya kung hindi ba maituturing na isang “fishing expedition” ang pagpapatawag sa testigo nang hindi pa malinaw kung anu-anong tanong ang balak iharap dito.
Hindi nakapagbigay si Tan ng tiyak na offer of testimony.
Inamin niyang mga “hypotheticals” pa lamang ang hawak ng prosekusyon na nais nitong kumpirmahin kay Federizo.
Aniya, malalaman lamang nila kung ano ang maaaring maging saklaw ng testimonya nito kapag nakapanayam na nila ang abogado.
Iginiit din ni Tan na walang nagbabawal sa prosekusyon na ipatawag si Federizo, na posibleng makapagbigay-linaw sa tunay na layunin ng mga donasyon.
Mariin naman itong kinontra ni Gabriel.
“They are expecting to obtain evidence from the witness to either prove that the deed of donation was not executed properly. This is a violation of presumption of innocence. If it’s an attempt to impugn the deed of donation, then we have a problem,” ani Gabriel.
Dahil sa mga napagkasunduang stipulations, hindi na rin kinailangang tumestigo si Atty. Lucia Paula V. Corrales, clerk of court ng Pasig Regional Trial Court (RTC).
Si Corrales sana ang susunod na testigo ng prosekusyon upang magbigay ng testimonya tungkol sa notarial book ni Federizo at sa mga kopya ng deed of donation na nasa kanyang pangangalaga.
Kasama ni Marcoleta na nahaharap sa kaso ang mga negosyanteng sina Michael T. Defensor, Aristotle Viray at Joseph V. Espiritu.
Samantala, iginiit ng abogado ni Viray ang karapatan ng kanyang kliyente sa mabilis na pagresolba ng kaso.
Ipagpatuloy ang pagdinig sa Huwebes, Oktubre 22, 8:30 ng umaga.