Advertisers
PINADALHAN ng Social Security System ( SSS ) ng Notice of Violation ang sampung employer dahil sa hindi pagbabayad umano ng monthly contribution sa kanilang mga empleyado sa lungsod ng Taguig.
Ayon kay SSS Senior Vice President for NCR Operation Group Benjamin Dolindo, sa ilalim ng security act of 2018 ay papanagutin ng ahensya ang mga employer na hindi tumutupad sa kanilang obligasyon.
Sinabi ni Dolindo na umabot sa P3.9 million ang kabuuang pagkakautang ng sampung employer, kabilang ang 2.8 million sa hindi nabayarang kontribusyon at mahigt sa 1.1million piso naman sa mga penalties.
Kabilang sa mga nilapitan ng SSS Taguig Branch ang mga negosyong restaurant, laboratory, convenient store, barber shop, pagawaan ng noodles, panaderya at retail store, na matatagpuan sa mga lugar ng Brgy. Bambang, Ususan, Tuktukan, at Bonifacio Global City Taguig.
Nabatid na walong employer ang hindi nag remit ng buwanang kontribusyon habang dalawa naman ang hindi nagparehistro sa SSS.
Aabot naman sa 160 employees ang apektado ng hindi pagre-remit ng monthly contribution mula sa kanilang mga employer o may-ari ng establisyemento.
Kaugnay nito, nasa 45 branches ng SSS ang nagsagawa ng simultaneous Run After Contribution Evaders ( RACE ) noong Huwebes, Oktubre 22 , na target ang 438 employers habang 4,504 employees naman ang apektado nito. (JOJO SADIWA)