Advertisers

Advertisers

CIANNE HINDI BET NG ILANG NETIZENS

0 22

Advertisers

Ni Beth Gelena

Hindi pa man gaanong nag-uumpisa ang journey ni Cianne Dominguez sa loob ng Bahay ni Kuya, kaliwa’t kanan na agad ang puna at pambabatikos na natatanggap niya mula sa ilang netizens.

Sa halip na ang pagiging housemate niya sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0 ang pagtuunan ng pansin, tila mas naging interesado ang ilang netizens na halungkatin ang mga dati nang kontrobersiyang kinasangkutan ng Kapamilya host.



Isa sa mga kinukuwestiyon ng netizens ang pagsali ni Cianne sa PBB gayong regular na co-host na siya ng It’s Showtime. Hindi rin nakaligtas sa kanilang mga komento ang pagsali niya sa Century Tuna Superbods Era 2026 noong Setyembre, kung saan umabot siya sa Top 8 finalists at nakakuha ng dalawang special awards.

Nagtataka ang netizens kung bakit tila sunod-sunod ang pagkakataong ibinibigay kay Cianne na mapabilang sa iba’t ibang programa at kompetisyon.



Pinuna rin ang kakayahan niya sa hosting, personalidad at pagiging bahagi ng It’s Showtime.

May ilan ding nakapansin noon sa tila hindi magandang biruan nina Vice Ganda at Cianne sa noontime show, dahilan para magkaroon ng espekulasyon na hindi raw sila gaanong magkasundo.



Gayunman, wala namang kumpirmasyon na may personal na alitan ang dalawa.

Pero ang mas mabigat na kontrobersiyang muling ibinato kay Cianne ay ang lumang social media posts ng kanyang amang si Johng Florendo tungkol sa tinawag nitong cat hunting.

Hindi nagustuhan ng maraming animal lovers ang mga caption ng ama ni Cianne tungkol sa paghahanap ng mga pusa kasama ang alagang aso. Para sa kanila, hindi dapat ginagawang katatawanan ang kapakanan ng mga hayop, lalo na ng mga pusang gala.

Noong Abril 20, 2026, naglabas na ng pahayag si Cianne tungkol dito. Ayon sa kanya, naipaliwanag na ang isyu noong nakaraang taon at humingi na rin ng paumanhin ang kanyang ama dahil sa bad joke.

Humingi rin siya ng paumanhin sa mga hindi niya personal na nasagot at iginiit na iyon na ang kanyang huling pahayag tungkol sa kontrobersiya.

Ngayong nasa PBB na siya, muling nabuhay ang usapin at nadagdagan pa ng mga komentong pumupuna sa kanyang hitsura at personalidad.

May mga netizen pang nagkomento tungkol sa pagkakaiba ng natural at artipisyal na kagandahan, habang ang iba naman ay nagbiro na iba raw talaga ang nagagawa ng pera.

Sa ngayon, malaking pagkakataon ang PBB para mas makilala ng publiko si Cianne sa labas ng kanyang pagiging co-host ng It’s Showtime.

Kung dati ay nakikita lamang siya ng viewers sa noontime show, ngayon ay masusubaybayan nila ang kanyang pakikitungo sa ibang housemates, pagharap sa mga pagsubok at pagpapakita ng tunay niyang personalidad sa loob ng Bahay ni Kuya.

Posible ring mabago ang pananaw ng ilang kritiko sa kanya habang tumatagal ang kanyang pananatili sa reality show.