Advertisers

Advertisers

“BAYANIHAN” NASAAN NA NGA BA?

0 36

Advertisers

‘NAGVIRAL’ sa Internet ang kasal nitong Sabado sa isang maliit na “barangay” (‘village’) sa Yunnan, China, ng mag-asawang Xu Chenghong, 24, at Luo Chui. Kahit saang kultura, ang kasal ay isang mahalagang sandali sa buhay-mag-asawa partikular na sa ating mga Asyano.

Ulila na sa magulang, walang malapit na kamag-anak at walang permanenteng trabaho, nakapag-ipon si Xu ng pera para sa simpleng kasal at tatlong mesa—sakaling may dumating na mga bisita.

Sa matinding pag-aalala, ‘nag-post’ si Xu ng “imbitasyon” sa social media noong Oktubre 25 at nagbakasakali na may dumating para naman kahit paano ay masabi niyang mayroon silang bisita sa kanilang kasal.



Ang resulta? Sinasabing mahigit 10,000 katao sa halos bawat sulok ng China ang dumating at mayroon pang galing Hongkong at Chongqing—mahigit 1,400 kilometro ang distansya sa Yunnan—dalawang araw bago pa ang kasal!

At siyempre, maydala silang mga regalo para sa mag-asawa—pagkain, pera, sasakyan, appliances, etc.



Bumuo naman ng komite ang kanilang barangay at munisipyo para tumulong mag-asikaso sa mga “bisita” kasama na ang paglalagay ng mga ‘streetlights’ at may 40 ‘cook/chef’ ang nagboluntaryo upang magluto ng pagkain sa mga dumalo.

Tumulong din ang pulisya para sa seguridad at trapiko at kahit ang dambuhalang China Mobile ay naglagay ng dagdag na ‘5G Tower’ sa lugar para sa komunikasyon at ‘live coverage’ ng kasal na ipinagbunyi sa loob at labas ng China.



Bagaman nakakatuwa na makabasa ng ganitong mga balita—mga estranghero na nagtutulungan at nagdadamayan— “naiinggit” at nalulungkot din naman tayo, mga kabayan.

Sa totoo lang kasi, ang pagtulong at pagdamay sa kapwa, hindi lang sa mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ay hindi lang itinuturo ng ating relihiyon. Ang ganitong pag-uugali ay sadyang bahagi ng ating kultura, ang kultura ng “Bayanihan,” natatandaan pa ba ninyo?

‘Na-imagine’ ko tuloy: Kung sa Pilipinas ngayon nangyari ito, ang darating ay mga “bisita” na may dalang mga plastic bag para mag-uwi ng handa.

Darating din ang mga snatcher at holdaper para mambiktima habang ang unang aatupagin ng barangay at pulis ay kasuhan at pauwiin ang mga dumalo dahil sa “pang-iistorbo,” hays!