Advertisers

Advertisers

DPWH ‘Aircon Engineers’ no more!

0 40

Advertisers

FIRST order of the day ng bagong talagang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang mga opisyal na nagpapalamig lang sa kani-kanilang opisina habang naghihintay ng kickback, ehek!, sahod pala: “Lumabas kayo sa inyong opisina at magtrabaho!”

Ito ang mariing direktiba ni DPWH Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa mga regional director at district engineer, na inatasang personal na magsagawa ng lingguhang inspeksyon sa mga kalsada, tulay at iba pang imprastraktura sa kani-kanilang nasasakupan. Tama!

Sa ilalim ng memorandum na inilabas noong Nobyembre 11, 2026, kailangang regular na magtungo sa field ang mga opisyal upang makita mismo ang kondisyon ng mga proyekto, matukoy ang mga sirang kalsada at iba pang depekto sa imprastraktura, at matiyak na agad na naisasagawa ang kinakailangang pagkukumpuni. Dapat!



Ayon kay Lopez, panahon na para tuldukan ang tinatawag na “aircon engineers” o mga engineer na nananatili lamang sa opisina, sa halip na personal na subaybayan ang mga proyektong ipinagkatiwala sa kanila. Mismo!

Bukod sa lingguhang inspeksyon, inatasan din ang mga opisyal na magsumite ng buwanang ulat tungkol sa kondisyon ng mga imprastraktura. Kailangang maipasa ang mga report hindi lalampas sa ika-5 araw ng susunod na buwan. Ito ang tama, Sec!



Bilang patunay na aktuwal silang nagsasagawa ng inspeksyon, kailangan maglakip ng mga litrato na may geotagging at time stamp. Tama, Sec. Banoy!

Nagbabala rin ang kalihim na maaaring maharap sa administrative o disciplinary action ang mga opisyal na hindi susunod sa direktiba o hindi agad aaksyunan ang mga natukoy na problema sa imprastraktura.



Binigyang-diin ni Lopez na hindi dapat hintayin ng mga engineer ang reklamo ng publiko o ang pagkalat ng mga larawan at video sa social media bago kumilos. Inaasahan niyang magiging maagap ang mga opisyal sa pagtukoy at pagresolba sa mga problema.

“Hindi na po antayin pa ang isang report sa social media galing sa taumbayan in order for them to act on it. It’s more of the initiative,” dagdag niya.

Ayon pa kay Lopez, kung hindi kayang seryosohin ng mga opisyal ang kanilang tungkuling mag-inspeksyon sa field, mas mabuti pang manatili na lamang sila sa bahay at mag-enjoy sa air-conditioning kaysa okupahan ang mga posisyong nangangailangan ng aktuwal na pag-monitor sa mga proyekto. Korek!

Layunin ng direktiba na mapabilis ang pagtugon sa mga depekto sa imprastraktura, maiwasan ang mga posibleng aksidente at matiyak na napangangalagaan ang mga kalsada at tulay na ginagamit ng publiko. Siyang dapat, Sec. Banoy!

Oo nga pala, Sec. Banoy. Puede pa paimbestigahan ninyo ang mga engineer partikular ang district engineer sa Romblon na ubod na ng yayaman pero ang mga proyekto ay mga depektibo.

Just do ito, Sec. Banoy!