Advertisers

Advertisers

MENDOZA, SUBOK NA MATIBAY, SUBOK NA MATATAG; MATIBAY NA PUNDASYON IPAGPAPATULOY SA CUSTOMS!

0 18

Advertisers

Malaking hamon ngunit magandang oportunidad para kay Atty. Charlito Martin R. “Charlie” Mendoza ang kanyang bagong tungkulin bilang Commissioner ng Bureau of Customs (BOC), lalo’t maayos at matibay ang pundasyong iniwan ng kanyang predecessor na si Ariel F. Nepomuceno.

Hindi naman maikakaila na kuwalipikado si Mendoza sa mabigat na posisyon.

Isa siyang abogado at lisensiyadong geodetic engineer, nagtapos ng abogasya sa San Beda University at pumangatlo sa 2004 Bar Examinations.



Naging BIR Commissioner din siya bago italaga sa Customs.

Sa kanyang panunungkulan sa BIR, nakalikom umano ang ahensya ng P36 bilyon mula sa mga tax evader at nakapag-refund ng P24 bilyon sa mga taxpayer.



Isang patunay ng kanyang paniniwala sa patas na pangongolekta ng buwis at maayos na serbisyo publiko.

Hindi rin siya baguhan sa Customs dahil minsan na siyang nagsilbing District Collector ng Port of Cebu.



Ngunit higit sa kanyang mga kredensyal, ang tunay na hamon kay Mendoza ay kung paano niya mapananatili at higit pang mapauunlad ang mga repormang ipinatupad ni Nepomuceno.

Sa loob ng 16 na buwan, nakapagtala ang BOC ng P1.328 trilyong koleksiyon, nakasamsam ng P50.93 bilyong halaga ng smuggled at ilegal na produkto, at naihatid ang lahat ng 42,395 abandoned balikbayan boxes sa mga pamilyang Pilipino.

Pinabilis din ang mga proseso sa Customs, pinalawig sa tatlong taon ang validity ng accreditation ng importers, exporters at customs brokers, at pinalakas ang digitalization at kampanya kontra-katiwalian.

Hindi maliit na pamana ang mga ito.

Kaya magandang marinig ang pangako ni Mendoza na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang reporma, paiigtingin ang digitalization, palalakasin ang integridad ng mga kawani at gagamit ng datos sa pagpapasya.

Sa katunayan, agad na nagpakita ng aksiyon ang bagong Customs chief matapos masamsam ang mahigit P43.2 milyong halaga ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Nobyembre 16.

Ibig sabihin, may kakayahan at karanasan si Mendoza, ngunit kailangan din niyang patunayan na kaya niyang higitan ang mga naunang nagawa.

Ang mahalaga, huwag sanang maputol ang magandang momentum ng Customs dahil lamang nagpalit ng liderato.

Sa pamahalaan, hindi dapat nagsisimula sa umpisa ang bawat bagong pinuno. Ang tunay na mahusay na lider ay marunong kumilala sa magandang nagawa ng kanyang predecessor at may kakayahang dalhin ito sa mas mataas na antas.

Iyan ang inaasahan natin kay Commissioner Mendoza.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.