Advertisers
Nanawagan si Marinduque Governor Melecio J. Go kay Supreme Court Chief Justice Rodil V. Zalameda na agarang aksiyunan ang kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa sinisingil na P1.6-billion lawyers’ fee kaugnay ng $100-million settlement offer.
Sa liham na ipinadala kay Zalameda, sinabi ni Go na inaasahang mababawasan ng tinatayang P800 million ang Landbank Trust Account ng lalawigan dahil sa garnishment na iniutos ng Court of Appeals bilang bayad sa mga abogadong nagsilbi umano sa loob lamang ng 2 taon.
Kinuwestiyon ni Go ang 25% lawyers’ fee at iginiit na hindi dumaan sa wastong procurement process ang pagkakatalaga sa mga abogado.
Ayon sa liham, wala ring naganap na paglilitis sa merito bago ipatupad ang nasabing garnishment.
Dahil dito, hiniling ni Go sa Supreme Court Chief Justice na agarang aksiyunan ang kanilang petition for certiorari sa kasong nakatala bilang G.R. No. E-08965 at CA-G.R. SP No. 0001-KALIKASAN.
Wala pang inilalahad sa liham na tugon mula sa Court of Appeals o panig ng mga abogadong makatatanggap ng bayad.