Advertisers
HINIMOK ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang puganteng negosyanteng si Atong Ang na kusang sumuko matapos maglabas ng panibagong warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero sa kanyang sabungan, Manila Arena, noong 2022.
Kinumpirma ni PNP Public Information Office chief Brigadier General Allen Rae Co na naglabas ang Manila Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest laban kina Ang at dating Police Colonel na si Ryan Jay Orapa noong Oktubre 30, 2026, dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Hindi pinapayagan ng batas ang piyansa para sa mga naturang kaso, matapos makita ng korte na may sapat na batayan upang sampahan ng kaso at litisin ang dalawang akusado.
Ayon kay Co, pinaka-mainam na hakbang para kay Ang ang kusang sumuko, harapin ang mga paratang at mabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili.
“Kung naniniwala siyang wala siyang kasalanan, ito na ang pinakamagandang pagkakataon para sumuko, harapin ang mga kaso at patunayan na wala talaga siyang kasalanan,” ani Co.
Nagtatago si Ang matapos maglabas ng mga warrant of arrest ang mga korte sa Laguna at Batangas kaugnay ng mga kaso ng pagkawala ng mga sabungero.
Nahaharap siya sa samu’t saring kaso, kabilang ang kidnapping with homicide, kidnapping at serious illegal detention.
Mariing itinanggi ni Ang ang lahat ng akusasyon.
Sinabi ni Co na nagpapa-tuloy ang malawakang ope-rasyon ng pulisya upang matunton at maaresto ang negosyante, ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye upang hindi malagay sa alanganin ang operasyon.
Matagal na aniya nilang hinahanap si Ang at magbibi-gay na lamang sila ng impormasyon kapag mayroon nang bagong kaganapan.
Tungkol naman sa magkakasalungat na impormasyon hinggil sa kinaroroo-nan ni Ang, sinabi ni Co na hindi magpapadala ang pulisya sa mga impormasyong maaaring makapanlinlang sa kanilang operasyon.
Kasabay nito, bineberipika rin ng PNP ang impormasyong naunang ibinahagi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas ng bansa si Ang sa pamamagitan ng isang “backdoor” route.
Ayon kay Co, may iba’t ibang pinagkukunan ng impormasyon ang kalihim at hinihintay pa ng pulisya ang karagdagang tagubilin nito.
Nauna namang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na walang rekord ang Bureau of Immigration na nakalabas ng bansa si Ang.
Naglaan narin ang pamahalaan ng P20 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkakaaresto sa negosyante.
Noong Lunes, sinabi ni Remulla na nagpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga puganteng personalidad at umaasa siyang magkakaroon ng magandang resulta ang mga operasyon bago matapos ang taon.