Advertisers
KAMAKAILAN, mistulang nagbago ang “tono” ni Senator Ping Lacson kay Pang. BBM matapos batikusin ang paliwanag ng Pangulo kung bakit patuloy na sumasadsad ang ating ekonomiya.
Katulad kasi ng karamihan, wala naman talagang naniniwala na ang Islamic Republic of Iran at ang agresyon dito ng ‘Tadong Unidos at Pasistang Israel ang dahilan kaya “lugmok” ang ating ekonomiya.
Bakit nga naman sa kabila ng patuloy na digmaan sa Middle East, lumago pa ang ekonomiya ng mga kapitbahay nating bansa katulad ng Vietnam, Indonesia, Singapore at Malaysia?
Para sa mga miron, ang posturang kritiko ngayon ni Lacson ay pasimpleng “pagkambyo” sa kanyang imahe ngayon bilang isa sa mga senador ng Malakanyang. Suspetsa pa nila, may kinalaman ito sa darating na halalan sa 2028—sakaling mayroon ngang mangyayaring eleksyon.
Kumbaga, muling “nagpapabango” itong si Lacson sa mga botante ngayon pa lang para “banlawan” ang kanyang malansang reputasyon ngayon pa lang.
Para sa mga miron, isa itong si Lacson na matapos makatikim ng kapangyarihan, ayaw na ring bumaba sa puwesto na para bang kawalan ng Pilipinas ang mga opisyal na katulad niya.
‘Yun nga lang, iba na ang panahon ngayon dahil bagaman mas pinipili ng mga Pinoy na “manahimik” na lang dahil sa sobrang hirap ng buhay—prayoridad siyempre kung paano bubuhayin ang pamilya—bistado na rin naman nila ang karakter ng mga pulitiko na katulad nitong si Ping Lacson at ng kanyang ‘sparring partner’ na si Tito Sotto III.
Makakalimutan ba ng mga Pinoy ang patuloy niyang pagtatakip sa pinakamalaking pandaramnbong sa kaban ng bayan, ang flood control project scam? Nag-imbestiga nga pero nasaan ang resulta?
Makakalimutan ba ng mga Pinoy ang kanyang “panggigil” na maaresto ang kanyang kapwa senador at dating kapwa Chief PNP para lang maipatapon din palabas ng Pilipinas at ikulong doon kahit wala namang kaso dito? Hindi ba buong Senado at ating mga batas at ligal na proseso ang niyurakan dito pero, dahil nasa “pundilyo” ngayon ng Palasyo ay “okay” lang sa kanya?
Kung ang mga batikos ngayon ni Lacson kay PBBM ay dahil sa 2028 elections, eh, excuse me, Bosing. Ikaw na lang ang bilib sa sarili mo, ang mga Pinoy? Hindi na po, peksman!
At siguro, kung buhay pa ang yumaong si General Rey Berroya, hindi makapaghahambog ng husto itong si Ping Lacson. Ano sa palagay ninyo, mga kabayan?