NBI AT PNP REGION 4B, IPINANGALANDAKAN NA “PASOK” SA ILEGAL NA SUGAL SA MINDORO AT ROMBLON ? (PART-2)
Advertisers
KUNG saan ang punong tanggapan ng Police Regional Office MIMAROPA (Camp Efigenio Navarro) at National Bureau of Investigation (NBI-MIMAROPA) talamak ang ilegal na sugal.
Alam nyo mga pare at mare kung ating pagbabatayan ang malawakang operasyon ng mga ilegal na sugal sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Romblon tila walang dating sa lokal na pulisya ang direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag.
Batay kasi sa sumbong ng mga residente na natatanggap ng inyong abang lingkod mula sa mga nabanggit na lalawigan, kabi-kabila umano ang operasyon ng sugal-lupa tulad umano ng mga peryahan na pulos sugal ang mga lalawigan na kilalang Food Basket and Fruit Basket Capital at Marble Capital sa MIMAROPA region.
Bilang patunay ng alegasyon, may mga ipinadalang larawan at video ang mga nagrereklamong residente bilang patunay na totoo ang presensya ng mga salot na ilegal na sugal sa loob ng peryahan tulad ng ‘color games, baklay, at drop ball baraha’ na lantad sa publiko ang operasyon na pinagpipiyestahan gabi-gabi ng mga sugarol at adik maging ng mga kabataan na mga nakalatag malapit sa mga mall, plaza, public market, munisipyo, eskwelahan at istasyon ng pulisya na matatagpuan sa mga bayan ng Bansud, Roxas, Pola, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Pinamalayan, Socorro, Naujan, Victoria, Baco, San Teodoro, Puerto Galera at Calapan City, Oriental Mindoro at sa labing-isang bayan ng Occidental Mindoro maging sa bayan ng Odiongan at Romblon na libo-libo ang pustahan.
Ayon sa reklamo, mga dayo umano ang tinukoy ng ilang impormante ang mga operator at financier o kasador ng mga pasugalan na alyas Fely, Onye, Nano, Ryan, Dayo, Ace, Toto, Vivien, Rene, RR, Flor, Aida, Liza, Solis, at Dioney na anila’y kapwa malakas at malapit na kaibigan ng ilang matataas na opisyal ng PNP Region 4B at National Bureau of Investigation (NBI-MIMAROPA).
Kasabay ng patutsada sa lokal na pamahalaang panlalawigan, nagpakawala rin ang ilang concern cetizen’s ng batikos laban sa lokal na pulisya at NBI na anila’y nagbubulag-bulagan sa garapalang operasyon ng mga peryahan na pulos sugal na dinarayo ng mga adik, sugarol at mga kabataan kung saan madalas din umano ang kaguluhan.
Sa kabila ng reklamo at sumbong ng mga concerned citizens ay tila wala silang nakikitang aksyon mula ng maitalaga umano itong sina Oriental Mindoro Provincial Director PCol Efraim Camara, Occidental Mindoro PCol Ali Jose Duterte, Romblon Provincial Director PCol Rexton Sawi, PRO4B Regional Director PBGen. Christopher Dela Cruz at NBI-MIMAROPA Regional Director Atty. Moises Tamayo? Tsk.Tsk.Tsk…
Ipinagtataka rin ng ilang concerned cetizen’s na wala takot na mag-operate ng mga salot na ilegal na sugal ang mga nabanggit na mga gambling operators/lord sa lalawigan nina Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor, Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano at Romblon Governor Trina Firmalo -Fabic.
Maraming residente mula sa nabanggit na lalawigan ang nananawagan ngayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na pagtuunan umano ng pansin ang umano’y talamak na iligal na aktibidades ng ilang opisyal ng kapulisan sa Camp Efigenio Navarro, (Police Regional Office MIMAROPA), Oriental at Occidental Mindoro Police Provincial Offices at NBI-MIMAROPA.
Sa halip umano na nagtrabaho ang ilang mataas na opisyal sa buong rehiyon para labanan ang mga sindikato at masasamang loob ay pagsasawalangkibo umano ang ginagawa ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na hayagan umanong nagbibigay ng proteksiyon sa mga dayong iligalista .
Dahil diyan, mahalagang tanungin ni PNP Chief, Jose Melencio Nartatez Jr. sina Gen Dela Cruz, Col Camara, Col Sawi at Col Duterte, ganon din sina NBI Dir. Matibag at NBI-MIMAROPA Regional Director Tamayo kung bakit patuloy na nakakaladkad ang kanilang mga tanggapan sa pagbibigay ng proteksiyon sa lahat ng uri ng iligal na sugal maging ang jueteng na hayagan din ang pangungubra ng taya ng mga kubrador.
Maganda rin kung magpaliwag dito ang mga nabanggit na opisyal kung kilala nila itong mga bagman na alyas Manalo, Leynes, Nonoy, Guco, Marvin, at Hernandez na walang takot na gumagamit sa kanilang tanggapan — bagay na dapat bigyang-linaw ng mga opisyal upang hindi tuluyang masira ang kanilang pangalan.
Ayon sa source posible, aniya, na may gumagamit lamang sa pangalan ng mga nabanggit na opisyal na bagaman ilan sa mga illegalista ang nagyayabang na ‘pasok’ na sila sa PNP Region 4B, sa pamamagitan ng S2, R2 at CIDG maging ng NBI na wala nang sinumang makakabuwag pa sa kanilang illegal na aktibidades, lalo ngayong panahon ng Kapaskuhan.
May kasunod pa…
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com